Tutulan ang “Balikatan” War Games ! Wakasan ang VFA, EDCA at MDT !

Ang taunang “Balikatan Joint Military Exercises” ng mga puwersang Kano at Pilipino para sa taong ito ay idinaos sa iba't-ibang bahagi ng ating bansa nitong Abril 4 hanggang 15. Ang iba't-ibang “war games” ay nilahukan ng 5,000 tropang Kano, at mga 8,000 tropang Pilipino. Nilahukan rin ito ng 55 eroplanong pandigma ng Kano, at ng iilang fighter-trainer jets na bagong bili ng Pilipinas mula Timog Korea. Ang bansang Australia, na tumutuligsa rin sa ginagawang pananakop at militarisasyon ng Tsina sa mga isla ng Spratlys na labas na sa kanyang sariling Exclusive Economic Zone (EEZ), ay nagpadala rin ng 80 tropa na lumahok sa mga parachute assault trainings.

            Nagkaroon ng amphibious na paglusob mula dagat patungo sa isang dalampasigan sa San Jose, Antique, bilang pagsasanay daw sa pagbawi sa isang lugar na kunwa'y “illegally occupied by foreign forces”. Ito ay pagsasanay sa maaaring gawing ganti kung sakaling biglang kunin ng Tsina ang mga islang kontrolado ng Pilipinas sa South China Sea.

            (Note : Ang tinatawag nating Kalayaan Island group na kontrolado ng Pilipinas, at bahagi ng ating 200 nautical miles [370 kilometers] na EEZ sa Spratlys, ay kinabibilangan ng Pag-asa [Thitu] Island, Ayungin [Second Thomas] Shoal, Likas [West York] Island, Parola [Northeast] Cay, Kota [Loita] Island, Panata [Lankiam] Cay, Lawak [Nanshan] Island, Patag [Flat] Island, at Rizal [Commodore] Reef. Sa Pag-asa Island ay mayroon tayong airstrip, isang maliit na himpilang militar, at komunidad na kinabibilangan ng 350 residenteng sibilyan. Sa Ayungin Shoal naman ay nakabantay ang ilang tauhan ng Philippine Marines na lulan ng ibinalandrang “BRP Sierra Madre”, isang lumang barko ng Philippine Navy.)

            Nagkaroon rin ng mga kahintulad na mga joint “war games” sa Crow Valley sa Tarlac, sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, sa Clark Air Field sa Pampanga, at sa Subic Bay sa Zambales, upang diumano'y masanay sa mahusay na pagtutulungan at “inter-operability” ng mga armas ang mga puwersang Kano at Pilipino. Sang-ayon kay Lieutenant-General John Toolan, commander sa buong Pasipiko ng US Marine Corps, ang war games ay kinatampukan ng pagpapaputok ng mga missiles sa mga long-distance targets, bilang bahagi ng simulated na paglusob sa isang “imaginary enemy-held territory”.

            Syempre pa, ang nagpaputok lamang ay ang mga tropang Kano, habang nakatunganga lamang ang mga tropang Pinoy na wala namang maibabahaging “inter-operability” sa makabagong armas. Nagpadala rin ang mga Kano ng High-Mobility Artillery Rocket System (HIMARS), na ginagamit sa pagpapabagsak sa mga eroplano, sa ginawang war games sa Gen. Antonio Bautista Air Base sa kanlurang Palawan. Ang air base na ito ay mga 300 kilometro lamang ang layo mula sa Mischief Reef na inagaw ng Tsina noong 1990s.

            Nauna pa rito, noong Marso ay nagsimula rin ang sinasabing “joint naval patrols” sa South China Sea ng mga barkong pandigma ng USA at Pilipinas. Ngunit dahil ang Philippine Navy ay wala namang barkong may sapat na armas (tulad ng missiles, torpedoes, kanyon at anti-submarine depth charges) para sa isang tunay na sagupaang pandagat, parang nagiging buntot lamang tayo ng saranggolang Kano sa anumang pagpapatrulya. Sa mga pagkakataong sumasakay ang mga sundalong Pilipino sa malalaking barkong pandigma ng Kano para sa joint military exercises, sila ay pinahahawak lamang ng mga baril-barilang plastik na riple, bilang tanda ng “pagtitiwala” ng mga Kano sa kanilang mga “katulong” na sundalong Pilipino.

            Sinabi ni US Defence Secretary Ashton Carter na ang mga “joint” naval patrols ay ipagpapatuloy sa harap ng ginagawa ng Tsina na pagtatayo ng mga artipisyal na isla, at militarisasyon, sa mga batuhan (reefs) sa South China Sea na bahagi na ng EEZ ng Pilipinas. Wala namang masabi hinggil sa mga balak na ganito ang mga opisyal na militar ng Pilipinas, o maging ni Pangulong PNoy, na patunay lamang na ang mga Kano ang tunay na nagbabalak at nasusunod hinggil sa ating tanggulang panlabas. Ang buntot ay tagasunod lamang ng saranggola.

            Sa pagtatapos ng “Balikatan” exercises, sinabi rin ni Sec. Carter na maiiwan sa Pilipinas ang 5 “Thunderbolt A-10C” ground attack warplanes, at ang 275 na tropang Kano na kailangan sa pagmamantine sa mga iyon. Ang mga iyon raw ay bahagi ng kampanya ng Kano para sa malayang paglalayag at paglipad (freedom of navigation and overflight) sa South China Sea, bagay na agad tinuligsa ng mga tagapagsalita ng Tsina. Ikinagalit rin ng Tsina ang pagbibigay muli ng Pilipinas ng mga base militar para sa Kano, dahil bilang pagpapatupad sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay pinapayagan ang muling paghimpil ng mga puwersang Kano sa 5 base militar ng Pilipinas –- sa Gen. Bautista Air Base sa Palawan ; sa Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro, Misamis Oriental ;  sa Fort Magsaysay sa Laur, Nueva Ecija ; sa Mactan Air Base sa Mactan, Cebu ; at sa Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga. (Note : Ang Basa Air Base ay 330 kilometro lamang ang layo mula sa Panatag [Scarborough] Shoal na inagaw ng Tsina mula sa Pilipinas noong 2012).

            Ang mga “Balikatan” exercises, na dati'y nakatuon sa sinasabing “kampanyang anti-terorista” sa harap ng mga banta mula sa Abu Sayyaf, ay malinaw na nakatuon na sa banta mula sa Tsina, bilang bahagi sa patakarang “rebalancing” ng USA laban sa Tsina. Ang patuloy na pagkakapailalim ng ating tanggulang panlabas sa mga plano ng USA ay nagsasapanganib lamang sa atin. Ang iringan sa pagitan ng USA at Tsina ay isang away sa pagitan ng dalawang imperyalistang bansa –- isang lumang imperyalistang kapangyarihan na nais ipakita ang kanyang patuloy na pangingibabaw sa mundo, at isang bagong imperyalistang kapangyarihan na nais umpisahan ang pagpapalawak sa pamamagitan ng militaristang “pagbabakod” sa South China Sea.

            Ang USA ay may pansariling interest na pagpigil sa patuloy na paglakas ng Tsina, at nagkataon lamang na ang ating pagtututol sa pang-aagaw ng Tsina sa ating EEZ ay nagagamit ng USA bilang sangkalan sa kanyang pag-confront sa Tsina. Hindi tayo dapat maging larangan ng labanan sa pagitan ng USA at Tsina, na agad mangyayari kapag sumiklab ang labanan sa pagitan nila. Ang pamamalagi ng mga pwersang Kano sa Pilipinas ay hindi lamang nakatuon laban sa Tsina, kundi laban rin sa ating kasarinlan, soberanya at integridad na pang-teritoryo. Ang mga puwersang Kano rito ay agad kikilos laban sa ating pamahalaan at pamayanan, kung sakali halimbawang magkaroon ng pagkakaisang pagkilos upang isabansa ang mga korporasyon at kapakanang imperyalista dito.

            Ang mga puwersang Kano rito ay kikilos para sa sarili nilang kapakanan upang isagawa ang anumang “regime change” na nais nila, tulad ng ginawa nila sa pagluluklok kay Cory noong wala nang silbi para sa kanila ang dati nilang katiwalang si Marcos. Hindi lingid sa atin ang kasaysayan ng pagsuporta ng USA sa mga Islamic secessionists, lalo na sa Mindanao na inaasahan nila na kakikitaan ng mayamang mga balon ng petrolyo. Walang magiging pakundangan ang mga puwersang Kano rito sa pagtulong sa mga puwersang secessionista kapag natiyak nila na mas magagamit  at mapapakinabangan nila ang isang hiwalay na Islamic “sub-state”. Hindi rin lingid sa atin na maging ang teroristang grupong “Abu Sayyaf” ay nag-ugat sa lihim na pandirigma ng CIA sa Afghanistan noong 1990s.

Maliban pa rito, ang pagdalaw o pamamalagi sa ating bansa ng mga US fleets ay nagdadala ng banta ng pagkalipol sa ating sambayanan, dahil maaaring maganap ang isang aksidenteng nukleyar sa mga US fleets na iyon. Ang war games na isinasagawa rito ng mga puwersang Kano ay nagdudulot rin ng malawakang pagkasira sa ating kalikasan at kapaligiran. Ang mga “sex visits” ng mga tropang Kano sa ating bansa (na tinatawag na “rest-and-recreation” o “R&R”, at laging bahagi ng pagdalaw o paghimpil rito ng mga tropang Kano) ay isang batik sa ating pambansang karangalan.

            Dahil sa mga naturan, ang pananatili ng mga puwersang Kano rito ay dapat agad wakasan, at ang mga tratadong militar ng Pilipinas sa USA --- ang 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na isang masamang pamana ni Pangulong Pnoy Aquino, ang 1999 Visiting Forces Agreement (VFA) na isang masamang pamana ni dating Pangulong Erap Estrada, at ang 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) na isang masamang pamana ni dating Pangulong Elpidio Quirino --- ay dapat agad ipawalang-bisa.

            Isang isyu na laging ibinabato sa ating partido at sa iba pang nagpapanukala ng pagbaklas mula sa US military cooperation ay ang isyu ng banta ng Tsina sa seguridad at integridad na pang-teritoryo ng Pilipinas. Malaking problema para sa mga komunista ang pagpapaliwanag na ang kapitalistang pagpapalawak at pandaigdigang pamumuhunan ng Tsina ay umabot na sa yugto ng imperyalismo, sa kabila ng pamamalagi ng isang sosyalistang bahagi sa kanyang kabuhayan. Gayundin, kailangan lagi nating ipaliwanag na ang pagtutulak ng Partido Komunista ng Tsina sa maritime claims ng Tsina sa South China Sea, batay sa maalamat na pag-aangkin ng nakaraang mga slavic dynasties ng Tsina –- isang bagay na hindi kinikilala sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) –- ay manipestasyon lamang ng “Great-Han chauvinism” at taliwas sa pananaw na komunista.

            Gayunpaman, ang pagtatanggol laban  sa pangangamkam ng Tsina sa mga bahagi ng ating EEZ ay hindi dapat iasa sa imperyalismong Kano. Ang mga tratadong militar ng Pilipinas sa USA ay hindi naman nakapigil sa pangangamkam ng Tsina sa ating EEZ, at dapat lamang ibasura. Ang pagtatanggol laban sa Tsina ay maisasagawa kasabay ng pagwawaksi sa mga tratadong militar ng Pilipinas sa USA. Ang mas mahalaga ay ang pagkakaroon natin ng pandaigdigang suporta laban sa mapangamkam na “9-Dash-Line” map ng Tsina.

            Inaasahan na ang International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS), ang UN arbitral tribunal kung saan iniharap ng Pilipinas noong 2013 ang kaso laban sa Tsina, ay malapit nang maglabas ng desisyong magiging paborable sa Pilipinas. Kapag mangyari iyon, magkakaroon ng pandaigdigang pagtuligsa sa pag-aangkin ng Tsina sa mahigit 90% ng South China Sea (sa ilalim ng tinatawag niyang “9-Dash-Line” map). Kahit sinasabi pa ng Tsina na hindi niya kikilalanin ang anumang desisyon ng ITLOS, ang pandaigdigang opinyon ay magiging mas mabigat na pamigil sa pangangamkam ng Tsina, kaysa sa military threat mula sa imperyalismong Kano. At kung mayroon mang magiging puwang pa ang kooperasyong militar sa iba't-ibang bansa para sa pagtatanggol sa Pilipinas, iyon ay hindi dapat nakasalalay sa anumang tratadong militar na nagtatali sa atin sa imperyalismong Kano