PKP 14th Congress - Programa para sa Malaya at Demokratikong Pilipinas

Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ay matatag na naninindigan para sa isang malaya, demokratiko at industriyalisadong ekonomiya na pangunahing magsisilbi sa interes ng sambayanang Pilipino; para sa aktuwal na ehersisyo ng pambansang soberenidad at teritoryal na integridad sa pakiki-tungo sa ibang bansa; pluralismo, partisipasyon ng nakararami at walang pasubaling paggalang sa mga karapatang pantao sa buhay pampulitika ng bansa; ganap na pag-unlad ng pambansang kamalayan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng tunay na Pilipino, siyentipiko, demokratiko at mapang-buklod na kulturang idudulot sa lahat; tunay na awtonomiya para sa mga Pilipinong Muslim at iba pang etnikong komunidad; at pangunahing atensiyon sa mga serbisyong panlipunan para mapaunlad at mapataas ang kondisyon at paggawa ng taumbayan.

I. PARA SA MALAYA, DEMOKRATIKO AT INDUSTRIYALISADONG EKONOMIYA

A. Bigyang prayoridad ang malawakang industriyalisasyon, pangunahin ang mga sumusunod:

1. Pagpapaunlad ng mga industriyang “capital goods” nang may masinop na paggamit sa mga likas-yaman sa kapaburan ng sambayanang Pilipino;

2. Produksiyon ng mga kasangkapan at iba pang mga pangangailangan sa pagbubukid at pangingisda;

3. Paggawa at pagkumpuni ng mga sasakyang pandagat, panghimpapawid, at iba pang imprastruktura sa transportasyon na magpapaunlad sa mas malapit na relasyon sa iba’t-ibang bahagi ng bansa;

B. Kailangang ang mga anyo ng pagmamay-ari sa mga kasangkapan sa produksiyon ay nakapanig sa interes ng sambayanang Pilipino:

1. Ilagay sa publikong sektor ang mga sumusunod: transportasyon at mga komunikasyon; pangangalaga sa kalusugang publiko, kasama ang mga gawaing pang-ospital; edukasyon, kasama ang edukasyon sa pamantasan; mga institusyon ng pagbabangko at pampinansiya; at paglikha ng mga armas, mga amunisyon at kasangkapang pangmilitar para sa pagdedepensa ng bansa.

2. Ang mga sosyohan (joint ventures) sa malalaking proyektong pang-industriya ay kailangang mapasigla sa pagitan ng mga industriyalistang Pilipino at ng mga kalakalang pang-estado.

3. Ang mga industriyalistang Pilipino ay dapat na tumanggap ng ganap na suporta ng pamahalaan sa pagtatatag ng mahahalaga at mga susing industriya. Ang pagbebenta ng tingi ay dapat ipagbawal sa mga dayuhang mamumuhunan.

4. Ang mga puhunang dayuhan ay dapat lamang pahintulutan sa tanging mga larangang hindi kukumpetensiya sa mga mangangalakal/industriyalistang Pilipino. Ang mga kompanyang dayuhan, partikular ang mga korporasyong transnasyunal, ay dapat na mahigpitang kontrolin lalo na sa: paggamit ng mababa sa pamantayan na mga pasilidades para sa pangangalaga sa kapaligiran, pag-uuwi ng mga tubo; pagkakataong makautang sa mga lokal na pautangan; kontrol sa pag-e-empleyo ng dayuhang consultants; kondisyon sa paglilipat ng teknolohiya at relasyon sa manggagawang Pilipino.

5. Sa produksiyong agrikultural, dapat maipamahagi ang mga lupaing pansakahan sa mga magbubukid at sa demokratikong proseso ay mahikayat sila sa pagbubuo ng mga kooperatiba na may ganap na suporta ng estado.

C. Magtakda ng mga sumusunod na mga patakarang pang-ekonomiya:

1. Pangangalaga sa nasasaid na mga hilaw na sangkap at sa likas-yaman ng bansa.

2. Pag-aangkat ng kinakailangan lamang na mga produkto at pagbabawal ng pag-aangkat ng panluhong mga produkto.

3. Paglalagda ng makatuwiran at progresibong sistema ng pagbubuwis.

4. Pagkakaroon ng pampamahalaang kontrol sa mga presyo (may nakatakdang ceiling price at floor price) ng bilihin sa pangunahing mga pangangailangan ng mamamayan.

5. Ang pangangasiwa sa mga pinagkukunan ng dolyar o pamalit na salapi sa pandaigdigang palitan ay dapat nakabatay sa mga sumusunod na mga konsiderasyon: proteksiyon sa mga industriyang Pilipino, pagpapahina sa maluho at di-produktibong paggasta ng yaman, at paghihigpit sa paglabas ng dolyar at iba pang dayuhang salapi.

6. Magkaroon ng moratorium o huwag munang magbayad ng utang panlabas. Kapag nasa kakayahan na ay saka lamang bayaran batay sa kita sa pagluluwas, ang mga makatuwirang pagkakautang lamang.

7. Paglalagda ng isang demokratiko at maka-Pilipinong patakaran sa paggamit ng lupa at katubigan, kasama ang komprehensibong repormang pansakahan sa lahat ng pataniman na isinasaalang-alang ang interes, pangunahin ang maliliit na magbubukid at ng mga walang lupang manggagawang rural, at reporma sa lupang urban para sa mga walang lupang naninirahan sa lungsod.

D. Mga Pang-ekonomikong Interes ng Sambayanang Gumagawa :

1. Pagtiyak sa pagbibigay ng nakabubuhay na pasahod (living wage), na umaayon sa pagtaas ng pamantayan sa pamumuhay sa pinakamalawak na hanay ng gumagawang sambayanan.

2. Ang kasiguruhan sa pagtatrabaho ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor ay kailangang ginagarantiyahan ng batas.

3. Ang karapatang magwelga ay kailangang maitakda ng batas nang walang mga pasubali.

4. Ang mga pamantayan sa pangangalaga sa kalusugan at kaligtasang tinatanggap na sa buong daigdig ay mahigpit na maipatupad sa lahat ng mga lugar ng paggawa.

5. Sundin sa pag-eempleyo ang mas maikling oras ng paggawa sa ilalim ng mga mapanganib na kalagayan tulad ng industriya ng mina, kemikal, militar, at iba pang kahalintulad.

6. Ang pampamahalaang mga korporasyon ay kailangang lumikha ng pondong sosyal mula sa nakatakdang porsiyento mula sa tubo. Ang pondo ay gugugulin sang-ayon sa pasya ng unyon ng mga empleyado sa ganoong korporasyon para sa kanilang benepisyo, tulad ng para sa serbisyong panlipunan.

7. Ang mga bangkong rural ay isaayos at gawing kooperatibang bangkong rural na pangangasiwaan ng mga kooperatiba sa agrikultura.

8. Paunlarin at palawakin ang sistemang pang-kooperatiba sa agrikultura at maliliit na industriya.

9. Ang mga pasilidad sa irigasyon ay maging bahagi ng pampublikong imprastruktura, tulad ng mga daan at tulay, at ang paggamit dito ay di dapat pabayaran.

10. Suportahan ang mga propesyunal sa pamamagitan ng kanilang mga organisasyon sa paglalaan ng mga pasilidad para sa pananaliksik, propesyunal at kultural na pag-unlad, gayundin para sa pagkakaroon ng pabahay at panlipunang mga serbisyo.

11. Pagkakaloob sa mga kawani at kawal ng pamahalaan ng karampatang sahod at kaukulang mga benepisyo.

12. Ang prinsipyo ng pantay na bayad sa trabaho na may pantay na halaga ay mahigpit na maipatupad sa kapakanan ng manggagawang kababaihan.

13. Ang mga lugar ng trabaho ay kailangang maglaan ng mga espesyal na pasilidad o tulong para sa mga karapatang pang-reproduksiyon ng mga babae.

14. Magkaroon ng mga programa sa pagsasanay at oportunidad sa pagta-trabaho para sa mga may mababang antas ng edukasyon, lalo na sa mga nasa lugar na rural.

15. Magkaroon ng ganap na implementasyon ng Kumbensyon ng Nagkakaisang mga Bansa sa Pag-aalis ng Lahat ng Uri ng Diskriminasyon Laban sa Kababaihan.

16. Dapat ipagbawal ng estado ang “child labor”.

II. PARA SA MALAWAKANG DEMOKRATIKONG PULITIKA

A. Para sa malawakang demokrasya at tunay na kapangyarihan ng taumbayan.

1. Magkaroon ng kaukulang kinatawan sa pamahalaan ang bawat uri at sektor ng lipunan ayon sa dami ng kanilang uri at sektor (proportional representation).

2. Lahat ng mga partidong pulitikal, lalo na ang mga partido ng sambayanang gumagawa tulad ng Partido Komunista ng Pilipinas, ay dapat may patas na karapatang lumahok nang ganap at makabuluhan sa mga halalan at iba pang mga gawaing pulitikal na may parehong mga karapatan at kalayaan tulad ng mga partido ng naghaharing mga grupo.

3. Ang pagpaplano at implementasyon ng mga programang pangkabuhayan at panlipunan ay gawin nang may aktibong pakikilahok ng mga organisasyong pangmasa. Sa layuning ito, maglaan ng mga pasilidad para sa barangay o mga konseho ng nayon upang magdaos ng mga pangkalahatang asembleya ng kanilang mga nasasakupan minsan man lamang tuwing ikaapat na buwan upang talakayin at pagpasiyahan ang mga suliraning tuwirang nakakaapekto sa kanila.

4. Ang karapatan ng taumbayan sa komunikasyon (tumanggap at maghatid ng impormasyon), sa malayang pagpapahayag, pagtitipon-tipon, pag-oorganisa ng kanilang sarili, at pagiging malaya sa di-makatuwirang pag-aresto, deten-siyon, paghahalughog at pagkukumpiska, at labis na pagpapahirap ay dapat garantiyahan.

5. Ang pangingibabaw ng awtoridad ng sibilyan kaysa sa militar at paggarantiya laban sa pag-abuso sa kapangyarihan ay dapat tiyakin.

6. Maisulong ang parliyamentaryong sistema ng pamamahala.

7. Maisulong ang tinatawag na “jury system” upang tumiyak sa makatarungang paglilitis sa hudikatura.

B. Para sa Pambansang Soberenidad at Ugnayang Panlabas

1. Matiyak ang probisyon sa Saligang Batas na maging sonang ligtas sa mga sandatang nukleyar ang Pilipinas.

2. Matiyak na maging ligtas sa anupamang mapamuksang sandata (weapons of mass destruction).

  1. Ang paggigiit ng pambansang soberenidad may kaugnayan sa United States of America ay dapat magbigay-diin sa kalayaan sa mga bagay na pangmilitar at panseguridad.

  1. Ang pamahalaang Pilipinas ay dapat makipag-ayos para sa isang kaayusang pangkasi-guruhan sa ASEAN at iba pang mga bansa base sa mga prinsipyo ng sariling pagpapasiya, pagkakapantay-pantay, mapayapang pakikipamuhay, pag-aayos ng mga sigalutan sa pamamagitan ng mapayapang negosasyon, kawalang kinikilingan sa mga blokeng pangmilitar, paggalang sa integridad ng teritoryo, kawalang panghihimasok at pagbabawal ng mga sandatang nukleyar at iba pang mapamuksang sandata.

4. Ang pamahalaang Pilipinas ay dapat makipag-ayos para sa isang kaayusang pangkasi-guruhan sa ASEAN at iba pang mga bansa base sa mga prinsipyo ng sariling pagpapasiya, pagkakapantay-pantay, mapayapang pakikipamuhay, pag-aayos ng mga sigalutan sa pamamagitan ng mapayapang negosasyon, kawalang kinikilingan sa mga blokeng pangmilitar, paggalang sa integridad ng teritoryo, kawalang panghihimasok at pagbabawal ng mga sandatang nukleyar at iba pang mapamuksang sandata.

5. Ang umiiral na mga patakaran sa pangungutang sa dayuhan ay kailangang baguhin. Dapat na suspendihin ng Pilipinas ang mga pagbabayad sa serbisyong pautang, kasama ang interes. Kailangang hanapin ang isang kolektibong estratehiya sa pautang kasama ng iba pang may utang na mga bansa at magsagawa ng isang pandaigdigang regulasyon ng utang panlabas sa batayang pulitikal.

6. Ang umiiral na mga kasunduang gumagarantiya sa interes lamang ng dayuhang pamumuhunan ay dapat ipawalang-bisa. Ang dayuhang pamumuhunan ay dapat na magsilbi sa mutuwal na interes ng dayuhang puhunan at ng taumbayan.

7. Lahat ng mga tratado at mga kasunduan, lalo na ang sa U. S. A. at Japan, ay kailangang marepaso sa layuning maigiit ang pambansang soberenidad at kapantayan.

8. Dapat mapanatili ng Pilipinas ang pagiging kasapi sa Kilusang Walang Kinikilingan.

9. Lahat ng mga hakbang na makakahadlang sa paglawak ng makatarungang mga ugnayang pangkalakalan, pandiplomatiko at pangkultura sa lahat ng bansa sa daigdig ay maalis.

10. Dapat ikonsolida ng Pilipinas ang mga ugnay nito sa ASEAN sa pananaw na gawin itong isang organisasyong panrehiyong malaya sa interes ng mga korporasyong transnasyunal at mga puwersa ng imperyalista sa Timog-Silangang Asya.

11. Aktibong kumilos para sa pagtatatag ng Timog-Silangang Asya bilang sonang ligtas sa sandatang nukleyar at iba pang mapamuksang sandata.

12. Ang malawakang kampanyang pang-edukasyon ay kailangang maidaos para suportahan ang lahat ng mga hakbang sa itaas at ang pandaigdigang pakikibaka para sa kapayapaan.

C. Para sa Awtonomiya ng mga Pilipinong Muslim at iba pang Etnikong Komunidad.

1. Ang awtonomiya ay nababatay sa pangangailangang mapatatag ang pambansang soberenidad at maipagtanggol ang teritoryal na integridad ng bansa. Ang awtonomiya ay dapat maiplano at maisagawa sa layong maisa-katuparan ang kontribusyon ng mga Muslim at etnikong mga komunidad sa pagpapatatag ng pambansang pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba ng kultura at relihiyon. Ito ay dapat maglinang ng kanilang kakayahan upang mapatatag ang pagkakaisa para sa pambansang kalayaan at labis na dominasyon ng dayuhan.

2. Ang awtonomiya ay dapat kapalooban ng karapatang mapangalagaan at mapaunlad ang kanilang kultura at iba pang minana sa kasaysayan, partikular ang kanilang relihiyon, ang malayang paggamit at pag-unlad ng kanilang wika, at ang karapatang maorganisa ang kanilang buhay panlipunan at pangkabuhayan batay sa kanilang mga tradisyon at pagpapahalaga, nang naaayon sa pandaigdigang batas at mga pamantayan.

3. Ang awtonomiya ay mangangailangan ng heograpiyang basehan at sa gayon sila ay may karapatang gumamit at magtamasa ng yaman ng lupang kanilang matagal nang okupado. Sa pagpapaunlad ng mga yamang ito ay kailangang sila ang pangunahing makikinabang.

4. Ang awtonomiyang ito ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng mekanismo ng tunay at ganap na kapangyarihang pampulitika sa mga kamay ng mga Pilipinong Muslim.

D. Para sa Malawakang Serbisyong Panlipunan

1. Ang mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pabahay at pangangalaga sa kalusugan ay bigyan ng mataas na prayoridad sa anyo ng suportang pampinansiya mula sa pambansang pamahalaan.

2. Ang pampublikong transportasyon ay dapat na maisabansa at maiplano sa isang basehang makatuwiran. Ang isang mahusay, sentralisadong sistema ng transportasyon ay kailangang laging nakalaan sa mga pasahero sa makatuwirang halaga kapwa sa lugar na urban at rural.

3. Ang estado ay dapat magtatag, sa tulong ng mga pribadong organisasyon, ng pampublikong alagaan ng mga bata, paaralang kindergarten at iba pang mga pasilidad para sa pag-aalaga ng mga bata, na pangangasiwaan ng mga sanay na mga nurses at mga guro. Dapat tiyakin na walang-palaboy na mga bata (street children). Ang mga benepisyong medikal at para sa panganganak ng mga nagtatrabahong mga ina ay dapat palawakin.

4. Ang mga pampublikong parke, mga sentrong pangkalusugan at pampalakasan, mga palaruan at mga pahingahan ay dapat ipagkaloob ng estado para sa benepisyo ng mga pamilyang may mababang kita na siyang magtatamasa ng mga pasilidad na ito nang walang bayad o sa minimum na halaga.

5. Ang pangangalaga sa kapaligiran ay dapat na bigyang prayoridad bilang tugon sa nagbabagong panahon, lalo na sa mga lugar kung saan ang mga industriya ay natitipon. Ang mga nakaplanong hakbang sa anti-polusyon ay dapat ipatupad nang walang pasubali.

6. Ang pinagsanib na sistema ng pangangalagang pangkalusugan na nagbibigay-diin sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan na nakabase sa komunidad at pinatatakbo ng mga mamamayan ay dapat maitatag. Kasama nito ang isinabansang pangunahing industriya ng gamot na makalilikha ng mga gamot na makakayang bilhin ng taumbayan.

7. Ang pabahay na makakayanan ng sambayanang gumagawa ay itayo.

8. Ang espesyal na pangangalaga at pribilehiyo sa mga nagretiro, mga pensiyonado, mga matatanda at mga may kapansanan, ay ipagkaloob.

III. PARA SA PAGPAPAUNLAD NG PAMBANSA, SIYENTIPIKO AT DEMOKRATIKONG KULTURA

1. Ang sistemang pang-edukasyon ay dapat na masusing mareorganisa sa prinsipyong ang edukasyon ay isang karapatan at hindi isang pribilehiyo.

2. Ang pagmamay-ari at pamamahala ng mga paaralan ay dapat isabansa.

3. Ang pamantasan at kolehiyo ng estado ay dapat maparami at mapalawak. Lahat ng institusyong pang-edukasyon ng estado ay dapat mapangasiwaan ng isang konsehong gagawa ng mga patakaran at bubuuin ng mga pinunong hinirang ng pamahalaan at mga kinatawang malayang pinili ng mga guro, empleyado at mga estudyante.

4. Ang wikang Pilipino, bilang batayan ng pagpapaunlad ng iba’t-ibang pangunahing mga wika ng bansa, ay dapat ituro sa lahat ng paaralan bilang pangangailangan ng pambansang pagkakaisa. Ang wikang Pilipino ang siyang dapat paunlarin at gawing medium ng pagtuturo sa lahat ng paaralan, kabilang na ang mga pamantasan.

5. Ang estado ay dapat magbigay ng ganap na suporta sa pagpapaunlad ng literatura, musika at sining ng iba’t-ibang rehiyon, kabilang na ang mga etnikong komunidad upang mapaunlad ang pambansang kultura.

6. Ang kultura ng Muslim, gayundin ang pagsasanib ng mga kultura ng mga etnikong komunidad ay dapat ituro sa mga paaralan bilang bahagi ng pangkalahatang edukasyon ng mga Pilipino.

7. Ang edukasyon ay dapat gawing demokratiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng edukasyong libre at mataas ang kalidad sa lahat hanggang sa mataas na paaralan, at sa pamamagitan ng pagpapatupad ng malawakang iskolarsip sa antas ng pamantasan.

8. Ang edukasyong pangmanggagawa, na nagbibigay-diin sa mga karapatan nila, ay dapat na isama sa pangkalahatang kurikulum ng edukasyon.

9. Dapat wakasan ang dominasyon ng dayuhan sa mga simbahan ng Pilipinas. Lahat ng mga institusyong panrelihiyon ay dapat magsilbi sa ispirituwal na pangangailangan ng mamamayang Pilipino, hindi sa material at pulitikal na interes ng mga dayuhang grupo.

10. Ang pagmamay-ari at paggamit sa pabatirang pangmadla ay gawing demokratiko.

11. Ang pagdagsa ng nakasisirang mga impluwensiyang dayuhan sa pamamagitan ng patalastas, pabatirang pangmadla, atbp., ay dapat mapigilan upang mapangalagaan ang integridad ng kulturang Pilipino.

12. Ang siyensiya at teknolohiyang lokal at mga kursong bokasyunal at teknikal ay dapat na mapaunlad upang magsilbi sa layunin ng malayang industriyalisasyon at maitayo ang produktibong kapasidad ng ekonomiya sa serbisyo ng taumbayan. Ang mga siyentistang Pilipino, mga imbentor at teknolohista ay dapat suportahan sa ganitong layon.

13. Ang mga ugnayang pangkultura sa lahat ng mga bansa ay dapat palakasin at ang pag-aaral ng iba’t-ibang pilosopiya at sistemang panlipunan ay dapat maitaguyod.

14. Ang pamantayan sa paggawa at pamumuhay ng mga manggagawa sa siyensiya at kultura ay dapat itaas.

Ang PKP-1930 ay naniniwalang ang ganap na pagpapatupad ng mga programang nabanggit ay makalilikha ng isang tunay na malaya, demokratiko at progresibong lipunan. Ang programang ito ay sumasalamin sa matinding paghahangad ng mga Pilipino para sa isang buhay na malaya mula sa kawalang seguridad, kahirapan, kamangmangan, kahulihan, diskriminasyon, pagsasamantala, at pagkaapi.

Ang PKP-1930, gayunpaman, ay naninindigan na ang programang ito ay matatamo sa pamamagitan ng tuwirang pagsangkot ng taumbayan mismo. Ang pagtatatag ng isang malawak na pagkakaisang hanay ng taumbayan mula sa umiiral na mga koalisyon at mga alyansa ng mga progresibo at demokratikong mga samahan ng mga unyon, ng mga magbubukid, mangingisda, kababaihan at kilusan ng mga kabataan, ang maaaring makapagligtas sa ating bansa mula sa hikahos na kalagayan nito. Ang malawak na pagkakaisang hanay na ito ang maaaaring maghalal ng bagong progresibo, demokratiko at patriyotikong pamahalaan nang naaayon sa Konstitusyon.

Ang pagkakaisa ng taumbayan at ng kanyang bagong pambansang liderato ang siya ngayong magpapalawak at magpapalalim ng prosesong demokratiko sa bansang ito sa pamamagitan ng implementasyon ng programang nabanggit na tungo sa paglikha ng mga kondisyon para sa lalong ikauunlad tungo sa mataas na anyo ng organisasyong panlipunang sosyalista at makauri.

Ang sosyalismo ang konsentradong ekspresyon ng demokrasya na magtatanggal ng panghuhuthot ng tao sa kapwa tao, at ng bansa sa ibang bansa, at mag-aalis ng kahirapan, kamangmangan, at di pagkakapantay-pantay sa kabuhayan at lipunan. Sa ilalim ng sosyalismo, ang mga natamo ng siyensiya at teknolohiya at kultura ay hindi limitado sa gamit ng iilan, kundi magsisilbi sa mga interes ng buong lipunan. Sa ilalim ng sosyalismo, ang ganap at mapanlikhang pag-unlad ng lipunan ay pangunahing pangangailangan para sa pag-unlad ng indibiduwal.

Ang pakikibaka para sa sosyalismo ay dapat makita bilang isang lohikal na pagpapatuloy ng pakikibaka ng mga Pilipino laban sa imperyalismo at lahat ng anyo ng panghuhuthot. Ito ay magpapahayag ng kayamanan ng kulturang Pilipinong naitakda ng dantaong pakikibaka, at ito ay magpapakita ng pagkakaisa ng mamamayang Pilipino sa lahat ng iba pang sambayanang gumagawa sa daigdig sa kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan, katubusang panlipunan, at sosyalistang kinabukasan ng sangkatauhan.