gallery banner

Pigilan, Imbestigahan at Parusahan ang “Extrajudicial Executions” !

Simula pa lamang sa kanyang kampanyang panghalalan, ipinangako na ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ang kanyang pamamahala bilang pangulo ay kakikitaan ng madugong pamumuksa sa mga sangkot sa droga. Sinabi pa niya na maaaring mapuno ang Manila Bay ng mga bangkay ng mga sangkot sa droga. Kaya naman mula pa lamang sa kanyang proklamasyon bilang nahalal na pangulo noong Hunyo 1 (o isang buwan pa bago matapos ang termino ni PNoy) ay nagsimula na ang puspusang kampanya laban sa droga na wari'y wala na sa kontrol ng patapos na administrasyong PNoy.
 
Nanawagan rin si Duterte sa kanyang mga taga-suporta na makiisa sa paghuli sa mga sangkot sa droga, sukdulang gumamit ng dahas sakaling manlaban ang mga inaaresto. Ito'y para na ring pang-uudyok sa vigilantismo o ang paglalagay ng batas sa sariling kamay ng mga sibilyang may-armas, bagay na nagpapahina sa tiwala ng taumbayan sa pulisya at mga tagapagpatupad ng batas, at nagiging puwang para sa anarkiya.
 
Sa loob ng nakaraang buwan ng Hunyo ay mahigit 500 ang napatay na diumano'y pawang sangkot sa pagtutulak o paggamit ng droga. Mga 300 sa mga ito ay napatay daw sa lehitimong mga “buy-bust operations”, kung saan ang mga napatay ay nakipag-barilan daw sa mga umaarestong pulis. Pero halos 200 sa mga ito ang natagpuang patay sa iba't-ibang lugar, na may mga karatulang karton na nagsasabing sila'y mga pushers o kriminal na users ng droga, at lumalabas na biktima ng “extrajudicial executions”.
 
Hindi nakapagtataka na sinabi mismo agad ni Ronald “Bato” de la Rosa, bago pa man siya manungkulan bilang director-general ng PNP, na ang kadalasang nagsasagawa ng “extrajudicial executions” ay iyong mga suppliers ng droga, kasama na iyong mga pulis na nagre-recycle ng mga kumpiskadong droga, upang hindi na sila maituro pa ng kanilang mga “sub-distributors” at “customers”. Batay rito, lumalabas kung gayon na ang karamihan ng mga salarin ay hindi mga “vigilantes” kundi mga mas malalaking kriminal na sangkot sa bentahan ng droga.
 
Nitong buwan ng Hulyo, batay sa araw-araw na mga pagbabalita, ay mukhang aabot pa sa mga 300 ang magiging kabuuang bilang ng mga mabibiktima ng “extrajudicial executions”, maliban pa sa mahigit sa 500 mapapatay sa tinatawag na “lehitimong” police operations. Sa ganitong kalagayan, mahalagang mapigilan na agad at maimbestigahan ang mga “extrajudicial executions”, sapagkat ito ay labag sa batas at sa karapatang pantao. Kung ito ay mapipigilan, ang mga target na biktima ay malayang makapagturo sa kanilang mga suppliers ng droga. Sa dami ng mga napapatay sa “extrajudicial executions” matapos na sila'y sumuko sa ilalim ng “Operation Tokhang” (“toktok-hangyo”), lumalabas na hindi nabibigyan ng sapat na proteksiyon ang gayong mga sumusuko at “kumakanta”. Maaaring ang kanilang “pagkanta” ang nagiging mitsa mismo ng kanilang kamatayan.
 
Gaano man ipagdiinan ng pulisya ang prinsipyo ng “presumption of regularity”, mahirap na rin paniwalaan ang pagiging lehitimo ng dumaraming bilang ng mga napapatay habang nasa custody ng pulisya --- iyong sinasabing “nang-agaw” daw ng baril ng pulis habang iniimbestigahan sa presinto, habang nakasakay sa patrol car ng pulis, o habang naglalakad nang naka-posas patungong presinto.
 
Maliban pa sa pangangailangang mabuhay ang mga target na biktima ng “extrajudicial executions” upang kanilang “maikanta” kung sinu-sino ang kanilang mga suppliers at kasapakat, mahalaga ring mapigilan ang paggamit ng “extrajudicial executions” laban sa mga personal na kaaway lamang na hindi naman sangkot sa droga o anumang krimen. Ang “extrajudicial execution”, sinuman ang may kagagawan, ay isang krimen, dahil nilalabag nito ang karapatan sa “due process” o tamang proseso ng pagpapatunay sa kasalanan ng suspect sa krimen. Higit pa rito, ito'y paglabag rin sa ating batas na nagbabawal sa parusang kamatayan. Kaya naman ang anumang kaso ng “extrajudicial execution” ay dapat na pigilan, imbestigahan at parusahan.
 
Sa gitna ng puspusang kampanya laban sa droga, na dapat lamang na magpatuloy at suportahan, hindi naman dapat magkaroon ng maling pananaw na walang halaga ang buhay ng ilang tao (lalo na ng mahihirap na suspects), na karapat-dapat na mamatay na kaagad nang wala nang pasisiyasat. Ang ganitong pananaw ay hindi makatao, at bukas sa pang-aabuso ng ilang may kakatwa at kriminal na pagkahilig sa pagpapahirap at pamamaslang sa kanilang mahihirap na kapwa-tao. Higit pa rito, ang mayayamang malalaking kriminal ay hindi nasasaling sa ganitong kalakaran, dahil mas armado at maraming tauhan sila kaysa sa mga nagbi-”vigilante”.
 
Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930), habang sumusuporta sa puspusang kampanya laban sa droga, ay nananawagan rin para sa pagsuporta sa patuloy na imbestigasyon ng senado, ng Commission on Human Rights, at maging ng National Police Commission, ukol sa pagpigil at pagpaparusa sa “extrajudicial executions”.

PKP 14th Congress

Marxist-Leninist

Lenin Engels Marx

Subscribe