“Panama Papers” --- Bagong Pandaigdigang Iskandalo Hinggil sa mga Lihim na Off-Shore Accounts ng mga Mandarambong

Ang pagkakalantad sa mga dokumento na kung tawagin ngayon ay “Panama Papers”, na nai-“leak” mula sa Mossack Fonseca law firm na may punong-tanggapan sa Panama, ay naging malaking iskandalo sa buong mundo. Ang Mossack Fonseca law firm, na may mga tanggapan o bupete rin sa Tsina, Hong Kong, USA at iba pang bansa, ay experto sa pagbubukas ng mga “shell companies” o “dummy corporations” para pagtaguan ng mga nakaw na yaman na inilalagak sa mga bansang itinuturing na “off-shore tax havens” (tulad ng Hong Kong, Singapore, Cayman Islands, atbp.).

            Ang Panama Papers ay unang ini-leak sa pahayagang Suddeutsche Zeitung sa Alemanya noong 2015, ng isang ayaw magpakilalang source na ang tanging nais daw ay maibulgar ang balakyot na papel ng Mossack Fonseca (MF) law firm sa pandaigdigang money laundering na ginagawa ng mga crime lords at mandarambong na pulitiko sa iba't-ibang bansa. Ang mga leak, na umabot sa 11.5-milyong dokumento hinggil sa 214,000 offshore companies na binuo o inimbento ng MF, ay ipinasa ng naturang pahayagan sa mahigit 100 media groups na bahagi ng International Consortium of Investigative Journalists (ICIJ). Sa kabuuan, halos 400 reporters mula sa mahigit 100 media outlets sa 80 bansa ang sumuyod sa mga dokumentong nai-leak.

            Nabulgar na ang ilan sa mga nagpagawa sa MF ng mga dummy corporations ay ang kasalukuyang mga pinuno sa 5 bansa --- sina Pangulong Petro Poroshenko ng Ukraine, Pangulong Mauricio Macri ng Argentina, Pangulong Khalifa bin Zayed Al- Nahyan ng United Arab Emirates, Prime Minister Sigmundur Davio Gunnlaugsson ng Iceland, at King Salman ng Saudi Arabia –- na pawang mga kilalang reaksiyonaryo at bulok na mga pinuno. Hinggil naman sa mga dating pinuno ng mga bansa, kabilang rito sina dating Sudanese President Ahmed al-Mirghani, dating Emir ng Qatar na si Hamad bin Khalifa Al-Thani, at mga dating punong ministro ng Georgia (Bidzina Ivanishvili), Iraq (Ayad Allawi), Jordan (Ali Abu al-Ragheb), Qatar (Hamad bin Jassim bin Jaber Al-Thani), Ukraine (Pavlo Lazarenko), at Moldova (Ion Sturza).

            Sabit rin ang iba pang mga opisyal at malalapit na kamag-anak ng mga pinuno ng pamahalaan sa 40 ibang bansa –- kasama na ang Brazil, Tsina, Peru, Pransiya, India, Malaysia, Mexico, Pakistan, Rusya, Timog Africa, Espanya, Syria at United Kingdom. Sang-ayon sa British Broadcasting Company, kasama na rito si Deng Jiagui na bayaw ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ; mga kapamilya ng 8 kagawad ng Poliburo ng Partido Komunista ng Tsina (kasama na ang mga kamag-anak ng 2 kagawad ng Kalihiman ng Komite Sentral na sina Zhang Gaoli at Liu Yunshan) ; at si Li Xiaolin na babaeng anak ni dating Premier Li Peng. Kabilang rin dito ang mga malalapit na kaibigan ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, at gayundin ang pamilyang Marcos ng Pilipinas. May ilang “dummy” corporations na hinihinalang binuo naman para sa CIA, upang magamit sa money laundering at bilang pondohan ng lihim na panustos para sa mga teroristang grupo.

            Lumabas rin sa pagsusuri na 500 banko at kanilang subsidiaries ang nagpagawa sa MF ng halos 15,600 na dummy companies para sa kanilang mga kliyente. Ang higanteng banko ng Britanya na Hongkong-Shanghai Banking Corp., kasama na ang kanyang mga subsidiaries, ay nagpabukas ng 2,300 na dummy companies. Ang mga malalaking bankong Credit Suisse ng Switzerland at Société Générale ng Pransiya ay nagpabukas rin ng tig-1,100 na mga dummy companies.

            Sa mga ulat hinggil kay Punong Ministrong David Cameron ng Britanya, lumalabas na mayroon siyang offshore account na nagkakahalaga ng hindi kukulangin sa £2 milyon (katumbas ng US$3.2-Milyon) ! Lumalabas na ito ay suhol na nanggaling sa JR Central, isang subsidiary of Japan Railways, para makuha nito ang kontrata sa paglalatag ng bagong mga riles para sa bagong high-speed British rail system. Para matiyak na makukuha nito ang kontrata, nagbigay pa ang JR Central ng tig-£1-Milyon kina Sir Jeremy Heywood (British Cabinet Secretary), Nick Clegg (dating pinuno ng Liberal Democratic Party), at Ed Miliband (dating pinuno ng Labour Party).

            Maliban pa sa mga suhol na pang-indibidwal, nagbigay rin ang JR Central ng suhol sa malalaking political parties –- £25-Milyon para sa Conservative Party ; £10-Milyon para sa Labour Party ; at £10-Milyon para sa Liberal Democratic Party. Ang kabuuang £50-Milyong bribery package ay patagong ibinigay sa pamamagitan ng Nomura Bank sa Tokyo.

            Ang pagbubukas ng mga dummy companies at off-shore accounts, tulad ng ginawa ng MF para sa kanyang mga kliyenteng mga crime lords at mandarambong na pulitiko, ay para lamang sa iisang hangaring maitago at mailipat palabas ng sariling bansa ang mga nakaw na yaman. Tunay nga, ang suhulan, nakawan at pandarambong ay laging bahagi ng pamahalaan at negosyo sa ilalim ng sistemang kapitalista. Ang masama at nakapipinsalang papel ng mga law firms tulad ng MF, na siyang mag-iimbento ng mga “shell” o “dummy” corporations, at gumagawa ng paraan upang mailabas ng bansa ang ninakaw na yaman, ay dapat lamang ilantad, tuligsain at parusahan.