Pagbati sa Ika-40 Anibersaryo ng Samahan sa Ikauunlad ng Kabataang Pilipino (SIKAP).

Mga kasama at mga kaibigan :

            Militante at mapanghimagsik na pagbati ang ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) sa Ika-40 Anibersaryo ng Samahan sa Ika-uunlad ng Kabataang Pilipino (SIKAP)  na gaganapin sa Cabiao, Nueva Ecija, nitong ika-24 ng Abril, 2016.

            Ang anumang tunay na partido komunista, at ang sinumang tunay na komunista –- iyong nag-aadhika ng pagsulong tungo sa tunay na makataong panlipunang sistemang sosyalista –- ay kumukuha ng inspirasyon mula sa dakilang tagapagtatag ng unang sosyalistang lipunan sa daigdig, na si Vladimir Ilyich Lenin.

            Sa mga panayam ni Lenin sa kabataang Sobyet, lagi niyang idinidiin na ang pangunahing tungkulin ng kabataan ay ang mag-aral --- ang maglimi sa lahat ng tamang kaalaman o impormasyon na natipon ng lahat ng kasalukuyan at nagdaang mga henerasyon --- upang ang lahat ng gayong kaalaman ay magamit sa pagtatatag ng mas makataong sistemang sosyalista.

            Ang pangunahing tungkuling ito ng kabataan --- ang pag-aaral sa malawak at malalim na balon ng tamang impormasyon upang magamit para sa makataong pagbabago ng lipunan --- ay nagpapatuloy o relevant pa rin sa kasalukuyang panahon. Sa katunayan, mas kailangan ang mapanglimi at tumpak na pag-aaral ng kabataan sa panahon ngayon ng tinatawag na “information explosion”, kung saan ang lahat ng impormasyon, at lahat ng disinformation, ay naka-post sa internet, sa Google, at sa kung anu-anong mga websites, blogsites at social media.

            Alam natin na kung paanong nakapananaig sa ating ekonomya at pulitika ang dayuhan at lokal na burgesya o uring mapanghuthot --- lalo na ng elitistang bahagi nito na kung tawagin ay oligarkiya --- ay gayundin ang kanilang pangingibabaw sa larangan ng impormasyon. Kanila ang mga istasyon ng mga TV at radyo, at mga pahayagan at iba pang mga paraan ng pabatirang pangmadla. Kanila ang mga dominanteng blogsites at social media. Kanila rin, o kontrolado rin nila, ang mga paaralan hanggang mga unibersidad. At may mga pagsasabwatan rin sa pagitan ng oligarkiya at ng mga simbahan.

            Dahil sa kanilang kontrol, na-e-engganyo tuloy ang kabataan sa mga nakakaaliw na mga media o sites. Sa pamamagitan nito, natitiyak ng burgesya ang patuloy na pangingibabaw nila sa sambayanan --- at ang patuloy na panghuhuthot sa kabataang anak ng mga manggagawa’t magsasaka, ng kabataang anak ng mga oligarko at burges. Tinitiyak ng burgesya, at lalo na ng oligarkiya, ang patuloy na pananaig ng entertainment sa ibabaw ng panlipunang realidad ; ang pagpaling ng “choice” sa mababaw na mga pamumustura kaysa sa may-sustansiyang mga pagtalakay ; at ang pangingibabaw ng tsismis at sensationalismo upang tabunan ang malalim na mga katotohanan.

            Dahil rito, naaalis ang social consciousness at napapalitan ng indibidwalismo at pagka-adik sa tinatawag na “virtual reality”. Ang pag-unlad ng information technology ay higit na natutuon sa nakakaaliw na mga games (lalo na iyong mga violent games), at sa pagpapalitan ng mga litrato sa Facebook --- mga litratong totoo man o peke. Nagkakaroon tuloy ng larong painggitan, kung saan ipino-post ang litrato ng bawat piging na madaluhan, bawat resort na mapasyalan, bawat selfie kasama ng sinumang artista o pulitiko, at maging bawat pagkaing matikman. Mamatay kayo sa inggit, wika nga ng mga nagpo-post, na tiyak namang papatulan o papantayan at hihigitan pa ng kanyang mga “friends” sa Facebook.

            Nawawala na tuloy ang mga dating mga sama-samang paglalaro at socializations ng kabataan, at dumating na tuloy tayo sa punto na ang nagiging kaligayahan ng kabataan ay ang pagkakaroon ng sapat na “load”, at ang pag-istambay sa mga malls na may libreng “wi-fi”. Hindi na rin mapuknat ang maraming kabataan mula sa kanilang mga gadgets, maliban lamang kung may laban si Manny Pacquiao.

            Sa puntong ito ay nais kong mag-inject ng ilang personal na pananaw. Ayaw kong mag-tonong “kill-joy”, pero hindi ako nalilibang sa “propesyon” (o negosyo) ng boxing. Ipagpaumanhin na ng mga boxing fans, kung mayroon mang dadalo sa anibersaryo ninyo, pero naaalala ko kasi lagi na noong nag-aaral pa ako ng engineering sa Mapua campus sa Intramuros, Maynila, bago pa ideklara ang martial law, ay lagi akong dumadaan sa may Metropolitan Theatre, na noon ay nirerentahan bilang Besa Boxing Arena. Madalas na nasa harap nito ang isang namamalimos na bulag, na may nakasabit na malaking litratong naka-plastic. Ang litrato ay sa kanyang kabataan bilang isang matikas at gwapong boksingero, bago pa siya mabulag at mabasag ang mukha dahil sa boxing.

            Mula noon ay isinumpa ko na ang madugong negosyong ito ng boxing (paumanhin muli sa mga boxing fans, kung mayroon mang dadalo sa anibersaryo ninyo), na pinagpupustahanan ng mga sugarol, at nilalahukan lamang ng mga kabataang mahihirap na pawang naghahangad lang ng pera at katanyagan sa larangan ng indibidwal na pakikipag-basagan ng mukha at katawan. Matutuwa lamang ako sa boxing kung ang maghaharap sa ring para makipag-basagan ng mukha at katawan ay ang mga kabataang anak o apo nina Henry Sy at Zobel de Ayala. Mas maganda pa lalo kung ang laban ay magiging “derby” o labo-labong sabong na lalahukan rin ng mga kabataang anak o apo nina Bill Gates, Mark Zuckerberg, Warren Buffet, Rupert Murdoch, Jack Ma, Lucio Tan, Manny Pangilinan, Danding Cojuangco, Andrew Tan, Manny Villar at iba pang kabilang sa dayuhan at lokal na mga oligarkong nangingibabaw sa ating bansa. 

             Pero habang ang tanging sumasabak sa madugong negosyo ng boxing ay pawang kabataang mahihirap, sa palagay ko ay hindi ito dapat maging kaaliw-aliw sa atin. Sana, kung ang maglalaban sa negosyo ng boxing ay ang mga kabataang anak o apo ng mga oligarko, e sila-sila na lang ang mapinsala ; at di katulad ng nangyayari ngayon sa kanilang mga paglalabanan sa negosyo, kung saan ang ating sambayanan sa kabuuan ang kanilang sama-samang binibiktima.

            Nananatili ang pambibiktima ng oligarkiya sa ating buong sambayanan dahil ang mga oligarko rin at ang iba pang kabilang sa burgesya ang nagpopondo sa mga kandidatong tumatakbo, lalo na sa mga pambansang posisyon tulad ng pagka-pangulo, pangalawang pangulo, senador at kongresista. Ang pagpopondong ito ng burgesya sa pagkandidato ng mga pulitiko ay lantarang inamin mismo ng isang tumatakbo sa pagka-pangulo na si Senadora Miriam Defensor-Santiago, na hindi naman magsasayang ng sariling pera para sa kampanya at maari pang kumita kahit matalo.

            Kaya naman sa pag-ugit at pagpapatupad ng mga batas ay hindi nasasaling ang mapanghuthot na kapakanan ng mga dayuhan at lokal na mga kabilang sa burgesya, at lalo na ng oligarkiyang siyang tunay na nagpapatakbo sa ating pambansang kabuhayan at siyang may tunay na kapangyarihan sa ating pambansang pulitika.

Mga kasama at mga kaibigan :

            Ang tema ng Ika-40 Anibersaryo ng SIKAP ay may kinalaman sa kapangyarihang pampulitika ng uring anak-pawis, at kung paano ito isusulong ng kabataan. Ito ay isang napakalawak na usapin o aralin na dapat simulan mula sa pagsusuri sa realidad ng balanse ng mga puwersa (o balance of forces) ng mga nagtutunggaliang mga uri sa ating lipunan.

            Hindi sapat na sabihin na ang mga kabilang sa uring anakpawis ay mas nakahihigit sa mga kabilang sa oligarkiya, o maging sa kabuuan ng burgesya. Ito’y sapagkat ang kaisipan ng mas malaking bahagi ng uring anakpawis ay nakatanikala pa rin sa mga kalakaran ng neokolonyal na sistemang kapitalista na pinangingibabawan ng oligarkiya at malalaking burges. Marami pa ring kabilang sa uring anakpawis ang tumitingala sa paghanga at pagrespeto, sa halip na napopoot, sa mapanghuthot na yaman at kapangyarihan ng oligarkiya at malalaking burges.

            Ang ilan pa sa mga kabilang sa uring anakpawis ay mayroon ring baliw na pag-asa na sa pamamagitan lamang ng sipag at tiyaga, at sa tulong ng pagdarasal at mapagsumamong pananampalataya, ay mararating rin nila ang poder ng oligarkiya. Ang mga ito ang nagsisilbing tagapagtanggol ng sistemang mapanghuthot, at nagiging kalaban pa ng tumpak na pag-aadhika ng uring anakpawis tungo sa pagbabago at pagwawaksi sa sistemang ito.

            Habang ang karamihan ng mga kabilang sa uring anakpawis ay hindi pa mulat sa tunay na kapakanan ng kanilang sariling uri, at hindi nakakaunawa sa pangangailangang iwaksi at palitan ang kasalukuyang sistema ng lipunan, ay hindi maaaring matamo ang minimithing kapangyarihan para sa kanilang uri. Ang paglaya at pagtatamo ng kapangyarihan ng uring anakpawis ay magagawa lamang sa pamamagitan ng mapagpasyang pagkilos ng uring anakpawis mismo, at ang susi rito ay ang pagkakaroon ng makauring kamulatan.

            Hinggil rito, ang tungkulin ng rebolusyonaryong kabataan ay ang pag-aralan ang lahat ng aspeto ng ating sistemang panlipunan, at ang pambansang-demokratikong landas ng pagbabago nito tungo sa sosyalismo. Ito ay upang sila ay makatulong sa pagmumulat, pag-oorganisa at pag-mobilisa sa kabuuan ng uring anakpawis, kung saan sila rin ay kabilang. Tungo rito, inaanyayahan ko ang lahat ng kabataang Pilipino, lalo na iyong mga nagmula sa uring anakpawis, na pag-aralan ang Resolusyong Pampulitika, Programa, at iba pang batayang dokumento ng PKP-1930 na iniugit ng Ika-14 na Pambansang Kongreso nito (na ginanap noong Nobyembre 7, 2013), upang ang mga iyon ay maging gabay sa tumpak nilang mga pag-aaral . Ang mga dokumentong iyon ay madali namang mabasa at ma-download sa website ng PKP-1930 (www.pkp1930.org).

Mga kasama at mga kaibigan :

            Sa usapin ng pagsusulong sa kapangyarihang pampulitika ng uring anakpawis ay hindi maiiwasan ang pagtalakay sa eleksiyon, na isa pa ring sukatan ng demokratikong karapatan ng sambayanan. Alam natin na ang karaniwang sumasangkot sa eleksiyon ay ang mga traditional politicians (“trapos”) na pawang tagapagtanggol ng neokolonyal na sistemang kapitalista, lalo na iyong mga kabilang sa mga political dynasties na may mahigpit na kontrol sa ibat-ibang lugar dahil sa kanilang kakayahang makapanuhol at makapanakot.

            Pati na ang partylist system, na dapat sana’y para lamang sa mga marginalized sectors, ay pinasok na rin ng mga trapo, ng malalaking grupong kapitalista, at ng mga simbahan, sa kabila ng mga pagbabawal sa batas. Mayroon lamang iisang pag-asa ngayon na ang marginalized sectors ay magkaroon ng tunay na boses sa kongreso, at ito ay ang Kaisahan ng Maliliit na Magsasaka (KMM, na Bilang 33 sa listahan ng mga partylist organizations sa balota), na tunay na kumakatawan sa mga maliliit na magsasaka at sa kabuuan ng uring anakpawis. Kaya bilang pangwakas, hinihiling ko ang inyong pagtulong upang mai-kampanya at maipagwagi sa darating na halalang pang-partylist ang KMM, na natitiyak kong tunay na maglilingkod upang maisulong ang kapangyarihang pampulitika ng uring anakpawis.

            Mabuhay ang Ika-40 Anibersaryo ng SIKAP !

                                                                                                                  KA. TONY  PARIS

                                                                                                             Pangkalahatang Kalihim

                                                                                                                Ika-21 ng Abril, 2016