Mariing Pagkondena sa Ginawa ng Teroristang “Abu Sayyaf” na Pagpugot sa Ulo ng Isa Nilang Hostage

Mariing kinokondena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ang bandido at teroristang grupong “Abu Sayyaf” sa ginawa nilang pagpugot sa ulo ng isang hostage nila nitong Abril 25.  Ang pinugutang hostage ay si John Bramwell Ridsdel, 68 anyos na Canadian na kinidnap ng naturang mga terorista sa Holiday Ocean View Resort sa Samal Island, katabi lamang ng Davao City, noong Setyembre 21, 2015.

            Si Ridsdel ay isang consultant ng TVI Resource Development Philippines, Inc., isang mining company na subsidiary ng kumpanyang TVI Pacific ng Canada. Pinugutan siya nang walang nagbayad sa hinihinging ransom na PhP300-Milyon sa itinakdang araw na iyon. Ang ulo ni Ridsdel ay iniwang nakabalot sa isang plastic bag sa sentro ng Jolo, samantalang ang kanyang katawan ay natagpuan kinabukasan sa isang tuyong ilog sa Talipao, Sulu, malapit sa gubat kung saan hinihinalang isinagawa ang pamumugot.

            Ang pamumugot kay Ridsdel, tulad rin ng nauna pang mga pamumugot ng Abu Sayyaf sa iba pa nilang mga na-kidnap, kapag walang nagbabayad sa hinihingi nilang ransom, ay maaari lamang magawa ng mga hidhid at baliw na barbaro. Nagawa pang mag-post ng mga barbarong ito ng isang video na nagpakita kung paanong pinutol ang leeg ng kaawa-awang biktima sa pamamagitan ng isang machete, habang nagsisigawan sila ng “Allahu Akbar” (“dakila si Allah”).

            Kasama ni Ridsdel na na-kidnap sa pinagbabakasyunang resort sa Samal Island ang 3 pang iba --- ang Canadian rin na si Robert Hall at ang ka-relasyon niyang Pilipina na si Teresita Flor, at ang Norwegian manager ng resort na si Kjartan Sekkingstad. Nagpalabas ng bagong ransom demand ang Abu Sayyaf, sa halagang PhP300-Milyon para sa bawat isa. Iniulat na maliban sa 3 naturan, mayroon pang ibang dayuhang hostages ang mga barbaro, na nauna pa nilang na-kidnap.

            Nananawagan ang PKP-1930 sa pamahalaan na maglunsad ng puspusang operasyong militar para masagip ang lahat ng mga hostages ng Abu Sayyaf, at para malipol na sa wakas ang bandidong grupong ito na may 25 taon nang naghahasik ng terorismo sa Mindanao, Palawan, at maging sa Sabah. Ang Abu Sayyaf ay binuo sa Sulu noong 1991 ni Abdurajak Abubakar Janjalani, isang dating Islamic scholar sa Pakistan na nasangkot sa panggigiyera ng CIA laban sa Afghanistan noong 1980s.

            Hindi nakapagtataka kung ang terorista at bandidong grupong ito ay nagagamit rin sa mga pakana ng destabilisasyon laban sa ating bansa, lalo na kapag may mga demands sa pamahalaan ang iba't-iba pang mga armadong grupong Muslim sa Mindanao. Mapapansin na ang MNLF, MILF at iba pang mga armadong grupong Muslim sa Mindanao ay hindi kumakalaban sa Abu Sayyaf. Maging ang mga lokal na pinuno sa Sulu, Basilan, Tawi-Tawi at iba pang lugar kung saan nagkukuta ang Abu Sayyaf ay lumalabas na may pagpapaubaya sa kanilang presensiya at mga pagkilos, at madalas gumaganap lamang bilang “go-between” kapag may negosasyon sa pagbabayad ng ransom. Panahon na upang panagutin pati na ang mga nagkakanlong sa mga barbarong ito.