Gallery Banner

VFA at EDCA --- Kanlungan ng Special Treatment para sa mga Sundalong Kano na nasa Pilipinas

Nitong Enero 7 ay pinayagan ng korte suprema ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA, na kaugnay sa Visiting Forces Agreement o VFA) bilang isang “executive agreement” na hindi na daw kailangan pa ng ratipikasyon ng Senado. Pinayagan rin ang pagdaragdag ng mga puwersang Kano na “dadalaw” sa Pilipinas. Inialok naman sa USA nina Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at Defense Secretary Voltaire Gazmin ang paggamit ng mga puwersang Kano sa 8 base militar ng Pilipinas, kasama na ang Subic Naval Base sa Zambales, ang Clark Air Base sa Pampanga, ang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, ang Wallace Air Station sa La Union, ang bagong Oyster Bay naval base sa Palawan, at ang Lumbia air base sa Cagayan de Oro City (Misamis Oriental).

            Ang mga pangyayaring ito na may kinalaman sa EDCA at VFA ay naganap matapos na ma-convict noong Disyembre 2015 si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton sa salang pagpatay sa transgender na si Jeffrey (alias “Jennifer”) Laude. Sang-ayon sa desisyon ng korte sa Olongapo City, napatay ni Pemberton si Laude noong Oktubre 11, 2014, sa loob ng kuwarto ng isang motel sa Olongapo, sa pamamagitan ng paglunod sa inodoro, nang mapag-alaman ni Pemberton na si Laude pala ay hindi isang babae. Ang hablang murder ay ibinaba sa hablang homicide, at si Pemberton ay hinatulan ng 6 hanggang 12 taon ng pagkabilanggo.

            Ang pagpatay ay naganap noong Oktubre 11, 2014, matapos ma-“pick-up” ng 19-anyos na si Pemberton ang 26-anyos na si Laude sa isang bar sa Olongapo rin. Inapela ni Pemberton ang conviction, batay sa isyu ng panloloko sa kanya ni Laude, na nagpanggap na isang babae (at hindi nagsabi na siya ay bakla) nang ma-“pick-up” niya ito. Si Pemberton noon ay kabilang sa mga US marines na nagsagawa ng “Balikatan” joint military exercises kaugnay sa VFA at EDCA. Nakadaong ang barkong kinabibilangan ni Pemberton sa Subic Naval Base nang maganap ang krimen. Ang  “Balikatan” joint military exercises sa Pilipinas ay laging pagkakataon para mag-enjoy ang mga sundalong Kano sa paggamit ng kanilang malalakas na sandata sa pagwasak sa kapaligiran ng war-games areas, at matapos nito ay mag-enjoy sa pagwasak sa kababaihang Pinay.

            Ang kaso ni Pemberton ay pangalawa na sa mga kasong kriminal na kinasasangkutan ng mga tauhang militar ng USA na nasa Pilipinas kaugnay sa VFA. Noong 2005, 4 na US marines ang inihabla ng panggagahasa sa isang Pilipina sa Subic Bay Freeport noong gabi ng Nobyembre 1, 2005. Ang biktima, si Suzette (o “Nicole”) Nicolas ay nilasing ng apat na US marines sa isang bar, at nang malasing na ay ikinarga sa isang Hyundai Starex van kung saan siya ginahasa habang tumatakbo ang van sa Alavar pier sa Subic Bay Freeport kung saan nakadaong ang barko ng mga marines. Ibinagsak ang lasing at umiiyak na biktima sa pier na nakalilis ang pantalon at may condom na nakalawit.

            Sa unang pagsusumbong ay sinabi sa pulisya ng biktima at ng Pilipinong driver ng van na 4 na marines ang nanghalay. Ngunit sa pormal na imbestigasyon ay sinabi ni Nicole na si Lance Corporal Daniel Smith lang ang gumahasa sa kanya, samantalang ang 3 iba pa –- sina Lance Corporals Keith Silkwood and Dominic Duplantis, at Staff Sergeant Chad Carpentier –- ay nanood at nagsilbing cheering squad habang ginagahasa siya ni Smith. Depensa naman ni Smith na pumayag naman daw ang lasing na lasing na biktima, at “consensual sex” naman daw ang nangyari.

            Noong Disyembre 4, 2006, si Smith ay na-convict sa salang rape at hinatulan ng parusang 40 taong pagkabilanggo, samantalang ang 3 kasamahan niya ay pinawalang-sala. Habang ang kaso ay nasa Court of Appeals, at habang si Smith ay nasa detention sa US embassy sa Maynila, gumawa ng affidavit si “Nicole” noong Marso 2009 kung saan sinabi niya na hindi niya natitiyak kung siya nga ay nagahasa, at gusto na lamang niyang mag-“move-on” sa kanyang buhay dahil nakatakda na siyang mag-emigrate patungong USA. Ang pangyayaring ito ay naging isang batayan ng desisyon ng Court of Appeals na pawalang-sala si Smith, bagay na tinuligsa ng ilang senador bilang patunay ng “pagbili” ng pamahalaang Kano sa pag-urong ng biktima. 

            Sa kaso ni US Marine Lance Corporal Daniel Smith noong 2006-2009 ay tiniyak ng pamahalaang Kano na may special treatment siya, na hindi siya ililipat sa custody ng pamahalaang Pilipino, at hindi pwedeng makulong sa isang piitang kontrolado ng Pilipinas. Sa kaso na naman ngayon ni US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton ay agad nakakuha ang USA ng pagpayag ng rehimeng Noynoy na hindi ipipilit ng Pilipinas ang lubos na jurisdiction nito sa kaso, at mananatili si Pemberton sa isang ispesyal na piitan sa AFP headquarters sa Camp Aguinaldo.

            Ang special treatment na ito para sa mga sundalong Kano ay isang pagyurak sa soberanya ng Pilipinas, at kung gayon ay isa pang dahilan kung bakit dapat nang tapusin agad ang VFA at EDCA. Ngunit hindi natin maaasahang gagawin ito ng rehimeng Noynoy na naglilingkod pangunahin na para sa kapakanan ng imperyalismong Kano sa ating bansa.