Gallery Banner

Usapang Pangkapayapaan sa Habana --- Pag-asa ng Reconciliation sa bansang Colombia

Mayroon nang magandang mga resulta ang usapang pangkapayapaan na ginaganap sa Habana sa nakaraang tatlong taon –- sa pagitan ng mga kinatawan ng FARC-EP (Fuerzas Armadas Revolucionarias de Colombia - Ejercito del Pueblo [o Hukbo ng Bayan]) at ng reaksiyunaryong pamahalaan ni Pangulong Juan Manuel Santos ng Colombia –- kung saan ang pamahalaan ng Cuba ang gumaganap na host o punong-abala. Nagkaroon na ng pagtatalaga tungo sa pormal na pagtatapos ng armadong labanan sa Colombia na nagsimula noon pang 1964, at siyang pinakamahabang nagpapatuloy na conflict sa buong Amerika Latina.

            Nagkaroon na ng kasunduan ang 2 panig hinggil sa sumusunod : (1) agarang tigil-putukan o ceasefire, (2) paglalaan ng pamahalaan ng pambansang pondo para sa mga gawain kaugnay sa pagtitigil ng labanan at para sa reconciliation, (3) agarang pagbubuwag ng pamahalaan sa lahat ng mga grupong paramilitary, (4) pagtatalaga ng mga naging lugar ng labanan bilang “ispesyal na mga teritoryo” para sa pagpapatatag sa kapayapaan, (5) pagsasalong ng armas at transpormasyon ng FARC-EP bilang isang legal na kilusang pampulitika na kinikilala ng pamahalaan, (6) komprehensibong mga security guarantees para sa buong populasyon, (7) pagbubuo ng natatanging grupong hahanap sa mga nawawalang mamamayan o “desaparecidos”, at (8) pagbubuo ng pambansang “Truth Commission” na magsasaliksik sa lahat ng mga nakaraang labanan at maging sa mga paramilitary operations ng pamahalaan, upang matukoy ang mga biktima at mahanap kung saan inilibing ang mga iyon.

            Tulad ng nangyari sa bansang Timog Aprika sa pagtatapos ng rehimeng “apartheid”, ang mga aamin sa “Truth Commission” hinggil sa lahat ng kanilang partisipasyon sa mga pangyayari sa mga nakaraang labanan o operasyong militar --- kasama na ang mga pag-ambush, assassination, hostaging, secret incarceration, torture, panggagahasa, atbp. --- ay magiging malaya mula sa anumang paghahabla, at mahigpit na ipagbabawal ang anumang pagganti sa kanila ng kabilang panig. Ang mga hindi aamin sa “Truth Commission”, ngunit mapapatunayang responsable sa mga pagpatay at paglabag sa mga karapatang pantao, ay mawawalan na ng immunity mula sa gagawing malawakan at lubusang prosecution.

            Ang usapang pangkapayapaang ito sa Habana ay umani ng papuri mula sa pandaigdigang komunidad, at ang napagkasunduang prosesong pangkapayapaan ay sinusuportahan ng UN Security Council, ng European Union, at maging ng Batikano. Maliban sa Cuba, ang iba pang mga bansang sumusuporta sa usapang pangkapayapaan ay ang Venezuela, Chile at Norway.

            Samantalang pumasok ang FARC-EP sa negosasyon nang walang pre-conditions, naihayag nito nang husto ang mga makasaysayang hinaing ng sambayanang Colombiano. Kaya naman nagkaroon ng mga programa ang pamahalaan noong nakaraang dalawang taon tungo sa repormang agraryo at rural development, pagrerehistro sa mga partidong pampulitika, at kompensasyon para sa mga biktima ng operasyong militar ng pamahalaan at sa mga magsasakang nawalan ng lupa. Sa loob rin ng usapang-pangkapayapaan nagkaroon ng kasunduan ang 2 panig noong Mayo 2014 ukol sa pagtutulungan laban sa drug trafficking, at nagtakda ang FARC-EP ng kanyang unilateral ceasefire noong Hulyo 2015 upang mapabilis ang prosesong pangkapayapaan.

            Ang mga tinatawag na “end-of-conflict issues” ang siya ngayong magiging sentro sa mga susunod na negosasyon sa Habana –- kabilang na ang pagbubuo ng isang UN Political Mission para i-monitor ang pormal na bilateral ceasefire ; ang pagtatakda ng timetable para sa pagsasalong ng armas ng FARC-EP at ng mga paramilitary forces ng pamahalaan, at para rin sa pag-disarma at pagbubuwag sa mga puwersang anti-insurgency ng pamahalaan ; at ang pagtatakda ng security guarantees para sa lahat ng mga naging kalahok sa nakaraang mga labanan.

            Sa nakaraang pagdalaw ni Pangulong Santos sa Maynila noong nakaraang Nobyembre, kaugnay sa pagdaraos rito ng APEC Summit, iniulat na naging isang bahagi ng pag-uusap nila ni PNoy ang naturang usapang pangkapayapaan sa Habana. Ngunit hindi maaasahan na magiging panularan ang negosasyong iyon sa Habana para sa pampulitikang settlement ng maoistang insurgency sa Pilipinas. Dapat nating tandaan na may mga batayang pagkakaiba sa pagitan ng mga pakikibaka ng FARC-EP sa Colombia, at ng CPP-NPA-NDF dito sa Pilipinas.

            Ang FARC-EP ay isang rebolusyonaryong grupo na tumatanggap sa realidad na ang sandatahang pag-agaw ng kapangyarihan sa Colombia ay hindi posible sa kasalukuyang panahon. Ito ay sa kabila ng pagkakaroon nila ng pang-opensibang kapasidad at malawak na hibo sa 1/3 ng kabuuang bilang ng mga bayan sa Colombia, bagay na kinikilala mismo ni Pangulong Santos. Sa katunayan, ang FARC-EP ay ilang ulit nang pumasok sa mga kasunduan sa nakaraang mga rehimen sa Colombia para sa pagtitigil ng labanan, ngunit ang mga prosesong iyon ay laging natitigil dahil sa pa-traidor na pag-atake ng pamahalaan sa mga puwersa ng FARC-EP.

            Sa kabilang dako naman, ang CPP-NPA-NDF ay isang maoistang koalisyon na walang sinseridad sa usapang pangkapayapaan, dahil patuloy silang nag-i-ilusyon na magtatagumpay sila sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Samantalang ang FARC-EP ay pumasok sa usapang-pangkapayapaan nang walang pre-conditions, ang CPP-NPA-NDF ay patuloy na naghaharap ng mga pre-conditions bilang paraan para hindi magkaroon ng resumption ang usapang pangkapayapaan sa pamahalaan. Ipinipilit pa ng mga lider maoista, habang kinukupkop sila ng reaksiyunaryong Kaharian ng Netherlands, na malapit na daw silang magkaroon ng “strategic parity” sa mga puwersa ng pamahalaan, bagay na kanila daw matatamo sa loob lamang ng 5 taon. Problema lang, halos 10 taon na nilang sinasabi ito, at patuloy lamang ang kawalan ng suporta ng masa para sa kanilang mga ilusyon ng “surrounding-the-cities-from-the-countryside”  na nakapako sa bangkaroteng idyolohiyang maoista.

            Ang sandatahang pakikibaka ng FARC-EP ay nag-umpisa noong 1964 bilang bahagi ng pakikibaka ng Partido Komunista ng Colombia laban sa madugong panunugpo ng pamahalaan sa mga magsasakang pinaaalis mula sa kanilang mga maliliit na sakahan upang ipatupad ang patakarang “land-concentration” at “industrial farming” bilang “episyenteng paggamit” daw sa lupa. Sa kabilang dako, ang CPP ay humiwalay sa PKP noong 1968 bilang pagtalima sa panawagan ng mga maoistang pinuno ng Tsina noon na maglunsad ng armadong pakikibaka dito sa ating bansa, kahit hindi na naaangkop ang ganitong porma ng pakikibaka sa kalagayan ng Pilipinas maging noon pa man.

            Samantalang ang FARC-EP ay binuo ng mga rebolusyonaryo mula sa Partido Komunista ng Colombia, ang NPA naman ay binuo ng maoistang CPP noong 1969 sa tulong ni Senador Ninoy Aquino at iba pang reaksiyunaryong pulitiko at peryodista na may kaugnayan sa CIA. Iyon ay sa panahon noon na isang pangunahing pakay ng CIA ay ang paghati-hatiin ang mga kilusang komunista at progresibo sa buong daigdig.

            Samantalang ang paglulunsad ng armadong pakikibaka ng FARC-EP ay nakaasa sa panloob na lakas ng sambayanang Colombiano, ang mga maoista naman dito ay nakasahod noon sa maoistang Tsina, na nagtangka pang magpuslit patungo rito ng mga armas sa pamamagitan ng M/V “Karagatan” at M/V “Andrea”. Dahil sa kawalan ng tunay na kalagayang mapaghimagsik sa Pilipinas, pinilit ng mga maoista na umimbento ng ganitong kalagayan sa pamamagitan ng probokasyon sa reaksiyong militar ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga abenturistang pag-atake sa ilang malalayong istasyon ng pulisya at militar. Sa pamamagitan ng pagbomba sa miting-de-abanse  ng Liberal Party sa Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971, ninais ng mga maoistang lider dito na ilatag ang kalagayan para sa deklarasyon ng batas militar na inaakala nilang magiging mitsa ng kanilang “digmaang bayan” kuno. Tulad ng inaasahan, walang naipakitang paglaban ang mga maoista nang ideklara ang pinaghahandaan nilang martial law, at marami lamang ang napahamak sa abenturistang mga pagyayabang hinggil sa kakayahang pang-militar ng mga maoista noon.

            Ang mga naging targets ng mga operasyong militar ng FARC-EP ay mga matataas na opisyales at hindi lamang mga ordinaryong mga pulis at sundalo. Sa katunayan ay nakabihag sila ng mga malalaking latifundista (asyendero), mga matataas na pinuno ng militar at pulisya, mga gobernador, kongresista, senador at maging mga kandidato sa pagka-pangulo at  pangalawang-pangulo ng Colombia. Sa kabilang dako naman, ang karamihan sa mga naging targets ng CPP-NPA-NDF ay mga ordinaryong pulis at sundalo sa ilalim ng mga operasyong “agaw-armas” ; mga “soft targets” ng teroristang pag-ambush sa mga relief convoys, medical missions at construction projects matapos ng mga kalamidad ; mga ordinaryong mamamayan na tumututol sa kanilang pangongotong ; at mga kasamahan mismo nila na kanilang tino-tortyur at pinapatay kapag umaalis mula sa kanilang hanay o napaghihinalaang mga ahente daw ng pamahalaan.

            Ang FARC-EP ay may tapang na ipanukala ang pagbubuo ng nasabing “Truth Commission”, dahil sila ay handa sa pagbubunyag ng buong katotohanan kahit hinggil pa sa mga kamalian nila sa kanilang mga nakaraang operasyong militar. Ang importante sa kanila ay malaman ang buong katotohanan hinggil sa mga operasyong militar na isinagawa ng pamahalaan laban sa kanila at sa kanilang mga kaugnay na organisasyong pangmasa. Nais nilang malaman ang nangyari sa mga pinaslang, dinukot at nawawalang mga kasama at kapanalig nila ; at handa silang sabihin rin ang lahat hinggil sa kanilang naging mga operasyong militar.

            Sa kabilang dako naman, ang maoistang CPP-NPA ay patuloy lamang na nagkakaila sa kanilang naging papel sa Plaza Miranda bombing noong 1971 ; sa kanilang abenturistang mga pagpapahamak sa kanilang mga kasamahan at maging sa mga kilos pangmasa ; at sa “Operation Missing Link”, “Kampanyang Ahos” at iba pang mga panloob na pamamaslang o “purges” na sangkot ang karamihan sa kanilang pamunuan, kasama na ang mga ipino-propaganda nila bilang mga “bayaning mandirigma” kuno.