Gallery Banner

Pag-kidnap at Pagpatay sa Koreanong Negosyanteng si Jee Ick-Joo, Patunay ng Patuloy na Kabulukan sa Hanay ng Pulisya

Ang pulisya, na dati nang isang institusyong pinagdududahan at maging kinatatakutan ng sambayanan, ay biglang naging sikat sa pagpasok ng rehimeng Duterte na nagbigay rito ng mabigat at malawakang kapangyarihan sa kampanyang kontra-droga. Sa kabila ng mga iniulat na paglabag ng pulisya sa mga karapatang pantao, kaugnay sa pagpapatupad sa Operation “Tokhang” at “Double-Barrel”, binigyan pa rin sila ni Duterte mismo ng katiyakan laban sa prosecution, at katiyakan ng presidential pardon kung sakaling makakasuhan at masisintensiyahan. Pinangakuan pa sila ng pagdoble ng kanilang sahod (bagay na hindi ipinangako sa iba pang saray ng serbisyo publiko, maliban sa militar).

            Sa paglobo ng bilang ng mga napapatay sa kampanyang kontra-droga (na ngayon ay mahigit na sa kabuuang 7,000), maraming indikasyon na marami-rami rin rito ay pinatay ng mga pulis na sangkot rin sa droga, upang hindi na makapagsalita pa ang kanilang mga dating binentahan, at ginamit na tagatulak, ng droga. Mayroon ring mga ulat na ginagamit rin ang ilang pulis bilang “vigilantes”, na binabayaran para pumatay ng mga dealers at users ng droga. Mga pulis din ang ginamit sa pagpatay sa ilang druglords na nasa kulungan na, para hindi na “kumanta” pa ang mga iyon hinggil sa mga pulis na nasa kanilang “payola”.

           

            Ngunit ang pagputok ng balita hinggil sa pag-kidnap at pagpatay kay Jee Ick Joo, isang South Korean businessman na taga-Angeles City, ay naging pinaka-maitim na batik sa anti-drug war ni Duterte. Una, ang pag-kidnap sa biktima, sa direksiyon ng ilang pinuno ng Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) sa PNP headquarters, ay pinalabas na isang pag-aresto sa ilalim ng Operation Tokhang. Matapos ma-kidnap, si Jee ay dinala sa AIDG sa Camp Crame, malapit lamang sa opisina ni PNP Chief “Bato” de la Rosa, kung saan siya pinatay sa sakal. Matapos nito ay agad ipina-cremate ang bangkay, at itinapon ang mga abo nito.

            Kahit patay na si Jee, hiningan pa ng mga tiga-AIDG ang asawa niya ng “ransom” na P5-Million. Nang hindi na bumalik si Jee sa kabila ng pagbabayad ng “ransom” ay nagsumbong na ang asawa nito sa otoridad. Lumalabas na ang mga kumidnap sa kanya ay kaugnay sa sindikatong nais magpapatay kay Jee, dahil kakumpitensiya nila sa negosyo. Ang kunwa'y pag-Tokhang kay Jee ay paraan lamang pala para makuha at agad mapatay si Jee. Doble kita ang mga kasangkot na pulis mula sa ransom na kanilang kinulekta, at mula sa pagiging killers-for-hire para sa sindikato.

            Hinggil sa kabulukan sa pulisya, nagpalabas din ng mga CCTV footages si Senador Panfilo Lacson (dating hepe ng PNP sa panahon ni Erap) na nagpapakita kung paano nagtanim kamakailan ng droga ang ilang pulis sa isang opisina, bago ito i-raid o i-Tokhang. May ilang pangyayari rin na ang binaril na mga biktima ay hindi namatay, at nakapagsuplong na ang may kagagawan ay mga pulis na dati nilang suppliers ng droga. Batay sa marami nang iba pang mga pangyayaring tulad ng nasasaad sa itaas, dapat talagang magsagawa na ng malawakang paglilinis sa hanay ng pulisya. Ang mga pulis na sangkot sa pagtutulak ng droga, murder-for-hire, kidnap-for-ransom at iba pang karumal-dumal na krimen ay agad dapat gawing “samples” sa pag-uusig at sa paggawad ng kaparusahan.