Gallery Banner

Kasong Kotong/Suhol –- Sabit ang mga Brods ni Digong, at ang mga “Online Gambling” Lords

Sa ginagawang imbestigasyon sa senado, lumalabas na may kaugnayan mismo si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa ginawang pangingikil ng P50-Milyon ng 2 deputy commissioners ng Bureau of Immigration (BI) mula sa illegal gambling lord na si Jack Lam. Si Aguirre at ang 2 deputy commissioners na sina Al Argosino at Michael Robles, na pawang mga appointees ni Pangulong Digong Duterte, ay mga “brods” ni Duterte sa Lex Talionis fraternity sa San Beda college of law.

            Sina Argosino at Robles ay umamin na tumanggap ng P50-Milyon sa City of Dreams Hotel and Casino mula sa fixer ni Lam na si Wenceslao “Wally” Sombero. Ang P2-Milyon daw mula doon ay hiningi ni Sombero bilang balato, ang P18-Milyon ay ipinagkatiwala nila sa kanilang hepe sa BI, at ang P30-Milyon ay kanilang itinago bilang “ebidensiya” daw ng panunuhol sa kanila ni Lam. Mga 2 linggo matapos nilang tanggapin ang unang halagang P50-Milyon, saka lamang inilabas nina Argosino at Robles ang P30-Milyon sa isang press conference, kung saan sinabi nila na iyon ay “ebidensiya” para sa kasong bribery na kanilang isinasampa sa korte. Ang kanilang press conference ay ginanap matapos mabulgar na sa pahayagan ang nangyaring kotong/suhol.

            Ang P50-Milyon ay paunang-bayad sa hinihinging kabuuang P100-Milyon na “lagay” bilang kapalit sa pagpapalaya sa 1,316 illegal Chinese online-gambling operators ni Lam sa Angeles City. Si Lam ang gambling lord sa Fontana Leisure Parks and Casino sa Clark Field sa Angeles City. Nahuli ang kanyang mga tauhan o operators na walang mga hawak na passports (isang paglabag sa anti-human-trafficking law), at wala ring work visas. Ang pangingikil, na nag-umpisa muna sa halagang P50-Milyon, ay ginawa daw ni Argosino matapos na sila ni Sombero ay magharap sa opisina ni Aguirre.

            Bagama't sinasabi ni Aguirre na wala siyang kinalaman sa mga sumunod na pinag-usapan nina Argosino at Sombero, sinabi rin mismo ni Aguirre na ang hiniling ni Sombero sa kanya sa paghaharap na iyon ay ang pagganap niya (ni Aguirre) bilang “ninong” o protektor ni Lam. Nauna pa rito, mayroon na ring mga pahayag sina Aguirre at PAGCOR Chairman Andrea Domingo na may mga offers na suhol para sa kanila mula sa kampo ni Lam.

            Ang BI, ang PAGCOR, at ang Department of Justice ay kilalang mga sentro ng kotongan/suhulan mula sa mga dayuhan. Ito ay dahil sa kapangyarihan ng mga opisinang ito sa pagkontrol sa pagpasok ng mga dayuhan, sa pag-regulate sa mga pasugalan na ang karamihan ay pinatatakbo ng mga dayuhan, at sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga dayuhan rito.

            Ang anumang pagkakasangkot sa katiwalian ng mga pinuno ng mga opisinang ito, lalo pa kung ang mga iyon ay mga fraternity brods ni Pangulong Digong mismo, ay isang malaking batik sa integridad at kredibilidad ng sinasabing kampanyang kontra-corruption at kontra-krimen ng administrasyong Digong.