Gallery Banner

Donald Trump –- Ang Bagong Diktador ng Estados Unidos

Nagkaroon ng inagurasyon nitong Enero 20 para kay Donald Trump bilang ika-45 pangulo ng USA. Si Trump ay isang “business tycoon” na yumaman mula sa pagnenegosyo sa real estate, mga pasugalan, mga palabas sa TV, at sa pagpapaupa ng mga gusali. Hindi siya dating pulitiko, at tumakbo agad sa pagka-pangulo sa unang halalang nilahukan niya noong Nobyembre 2016. Agad inulan ng batikos si Trump dahil sa kanyang mga racist na pahayag, bantang deportation ng mga immigrants, bantang pagtatayo ng pader sa US-Mexico border, bantang pagbabawal sa pagpasok sa USA ng mga muslim, at dahil din sa kanyang sexist at bastos na mga pahayag laban sa kababaihan.

            Ang pagwawagi ni Trump ay inulan rin ng batikos dahil ang nakakuha ng mas maraming boto sa pagka-pangulo ay si Hillary Clinton. Ngunit nanalo si Trump dahil sa indirect voting system sa USA, kung saan may tagibang na timbang ang iba't-ibang states sa ilalim ng “Electoral College” na siyang nagde-deklara sa nahalal na pangulo. Ang halalan sa USA –- kung saan kulang sa kalahati ng botante ang bumoboto –- ay hindi rin kumakatawan sa tunay na kagustuhan ng mamamayan.

            Ang karamihan sa populasyon ng USA ay nasa ilalim ng labis na impluwensiya ng mga kapitalista at ng dambuhalang sistemang pampropaganda nila. Tulad sa Pilipinas, ang karamihan sa mga manggagawa doon ay hindi organisado, at hindi nakakaunawa sa pampulitikang kahalagahan para sa pagtatanggol sa kanilang makauring kapakanan. Tulad rin sa Pilipinas, walang puwang ang sambayanang Kano sa pagpili ng kandidato, kaya naman walang pagkakaiba sa posisyon ang mga kandidato ng 2 pangunahing partido doon (tulad nina Hillary Clinton ng Democrats, at Trump ng Republicans).

            Marami rin sa USA ang nabubuhay sa ilalim ng mahirap na kalagayang sosyo-ekonomiko, at 45 milyong Kano (15% ng populasyon) ang tinatayang nasa ilalim ng poverty line doon. Libo-libong mga manggagawa ang naninirahan na lamang sa mga “shelters” para sa mga hikahos, dahil sa kakulangan ng kita para ipambayad sa renta sa disenteng bahay. May 15 milyong kabataan na wala pang 18 taon ang edad (o 20% ng gayong kabataan) ang nakararanas ng gutom. Ang mataas na edukasyon ay isang karangyaan, dahil ang taunang bayad sa mga kolehiyo ay mula USD$20,000.00 hanggang USD$50,000.00. Tuwing araw ng eleksiyon, na hindi naman holiday sa USA, mas maraming botante ang gustong kumayod sa trabaho kaysa mawalan ng kita sa araw na iyon dahil sa pagboto.

            Ang ganitong krisis na kalagayan, at lalo na ang malawak ng kamangmangang pampulitika, ang nagbibigay-daan sa pag-akyat sa kapangyarihan ng mayayamang nais maging diktador ng bansa, tulad ni Trump. Madali kasing mapaniwala ang mga tao sa kanyang mga pangako (“making America great again”, tulad ng pangako naman noon ni Marcos para sa Pilipinas), at sa kanyang paninisi sa mga may-kulay na immigrants bilang ugat ng kahirapan ng mga Kano (na wari'y nakalimutan na ang mga puting Kano ay pawang mga immigrants din na umagaw lamang sa mga lupain noon ng mga American Indians). 

            Gayunpaman, may masisilayang pag-asa mula sa lumalawak na mga pamamahayag laban kay Trump, sa loob mismo ng USA. Ang pagtutol sa immigration ban (laban sa 7 bansang muslim na dinidigma ng USA at mga kaalyado nito), ang pagkontra sa balak na pagtatayo ng pader sa US-Mexican border, at ang pagtuligsa ng kababaihan sa mga sexist na pananaw ni Trump, ay patunay lamang ng pagpapatuloy na mga pakikibaka para sa demokrasya. Dahil sa tindi ng kapitalistang krisis sa USA mismo, inaasahan na ang mga pakikibakang ito ay maitutuon rin laban sa sistemang kapitalista na siyang ugat ng kahirapan ng sambayanang Kano.