Gallery Banner

Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) --- Bagong Sentrong Pampinansiya ng Expansionistang Tsina

Sa buwang ito ng Enero 2016, sinimulan ng Tsina ang pagsasagawa ng airline flights sa pagitan ng Hainan Island (sa katimugang hangganan ng Tsina) at Panganiban Reef (na nasa loob ng Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas). Lumapag ang 2 civilian airliners ng Tsina sa bago nilang gawang airfield sa artificial island na binuo nila sa Panganiban Reef, lulan ang mahigit 100 Tsino na diumano'y mga “turista” daw. Idineklara ng Tsina na regular na isasagawa nila ang ganitong mga civilian flights, na walang pakialam sa katotohanan na ang Panganiban Reef ay nasa loob ng 200 nautical miles (370 kilometers) na EEZ ng Pilipinas, samantalang mahigit doble ang layo ng Panganiban Reef mula sa Tsina.

            Ipinagpapatuloy ng Tsina ang pananakop sa mga bahagi ng EEZ ng Pilipinas, sa pamamagitan ng paggawa ng mga artipisyal na isla na tinatayuan nito ng mga base militar. Ito ay upang ipakita na bale-wala sa kanya ang inaasahang desisyon ng International Arbitral Tribunal sa The Hague, Netherlands, na magiging kontra sa “9-dash-line” claim ng Tsina sa halos kabuuan ng South China Sea.

            Kaugnay nito, lahat ng pambabraso laban sa Pilipinas ay isinasagawa rin ng Tsina. Nariyan ang pagtataboy ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pilipino na nais mangisda sa tradisyunal nilang fishing area sa Bajo de Masinloc (Panatag Shoal, o Scarborough Shoal, mga 126 nautical miles lamang ang layo mula sa kanlurang hangganan ng Pangasinan at Zambales) na sinakop ng Tsina noong 2012. Nariyan din ang mapanakot na pagbibigay ng babala ng Tsina sa grupo ng mga Pilipinong kabataan na dumalaw sa komunidad ng Pilipinas sa Isla ng Kalayaan (sa kanluran ng Palawan) nitong buwang ito.

            Sa kabila ng agresibo, mapanakot at mapanakop na mga patakaran ng Tsina laban sa Pilipinas, ang rehimeng Noynoy ay nagpasya pa rin sa pagtatapos ng Disyembre 2015 na ianib ang Pilipinas sa Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) na bagong-tayo sa pangunguna ng Tsina. Balak ng AIIB na lumikom ng kabuuang puhunan na $100-Bilyon mula sa 57 bansang nagpahayag ng pagsapi rito, at halos 30% ng kabuuang puhunang ito (o halos $30-Bilyon) ay manggagaling sa Tsina.

            Kung ikukumpara sa $100-Bilyong magiging puhunan ng AIIB, ang kabuuang puhunan sa ngayon ng Asian Development Bank (ADB) ay $150-Bilyon, samantalang ang puhunan naman ng World Bank (WB) ay $200-Bilyon. Ang magiging punong-tanggapan ng AIIB ay sa Beijing, at ang magiging pangulo nito lagi ay isang Tsino. Sa unang 5 taon ng operasyon ng AIIB, ang magiging pangulo nito ay si Jin Liqun, isang opisyal ng Tsina at dating kinatawan nito sa ADB.

            Sa kabila ng pagtatayo ng Tsina sa AIIB, ang Tsina ay mananatiling kasapi ng WB at ADB.  At samantalang nag-aalok ng mga pautang ang Tsina sa ibang mga bansa sa Asya-Pasipiko sa pamamagitan ng AIIB, ang Tsina rin ang siyang pinakamalaking mangungutang sa WB at ADB. Sa katunayan, ngayon ay may kahilingan ang Tsina sa WB na makautang ng kalahating bilyong dolyar para ang ilang mga coal-fired electric power plants ng Tsina ay mapalitan ng mas malinis na mga generators na hindi ginagatungan ng coal (ang coal bilang panggatong ang siyang nagdudulot ng labis na usok o smog sa kapaligiran ng Beijing).

            Tulad ng World Bank na ginagamit upang isulong ang kapakanan ng puhunan at industriyang Kano at Europeo, at ang ADB na ginagamit para isulong ang kapakanan ng puhunan at industriyang Hapones, ang AIIB ay inaasahang gaganap na tagapagsulong naman ng kapakanan ng puhunan at industriyang Tsino. Dahil sa kontrol ng Tsina sa AIIB, matitiyak na ang mga pautang nito sa ibang bansa ay mapupunta sa pagbili ng mga makinarya at produktong Tsino. Upang magkaroon ng kaunting pakinabang sa gagawing mga pagpapautang ng AIIB, ang ilang pangunahing kapitalistang bansa (tulad ng UK, Germany, Australia, New Zealand, Netherlands, Austria, Luxembourg, Italy, Rusya, Saudi Arabia, Poland, Spain, South Africa, Switzerland, Turkey, UAE, Israel at South Korea) ay sumapi na rin sa AIIB.

            Sa kabuuan, ang AIIB ay binubuo ng 37 bansa sa Asya-Pasipiko, at 20 bansa na labas mula sa rehiyong ito. Ang USA at ang Japan ay hindi aanib sa AIIB, at gumawa ng mga palihim na paraang diplomatiko upang pigilan ang pag-anib rito ng kanilang mga kaalyado. Ang USA ay nagpahayag ng pagka-dismaya sa naging pag-anib ng UK at Australia sa AIIB.

            Maliban sa Tsina, ang ibang mga bansang sasapi sa AIIB ay kailangan ring maglagak ng puhunan sa AIIB. Ang Pilipinas ay kailangang maglagak sa AIIB sa Beijing ng $196-Milyon upang makasali. Interesado daw ang rehimeng Noynoy na makautang sa AIIB, dahil kailangan daw ng Pilipinas na makautang ng hindi kukulangin sa mga $60-Bilyon para sa mga infrastructure projects nito mula 2016 hanggang 2020, at ang kinakailangang pondong ito ay hindi maaaring mautang lahat mula sa ADB at sa WB. May nagsasabi rin na ang pag-anib ng Pilipinas sa AIIB ay makababawas sa kontrol  o hibo sa ating ekonomya ng WB-IMF at ng ADB.

            Sa kabila ng pag-asa ng rehimeng Noynoy na makautang ng ilang bilyong dolyares kapalit ng paglalagak ng puhunang $196-Milyon, may panganib pa rin na ang pagtatalo ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea ay gagawing balakid ng Tsina sa pagbibigay ng pautang sa Pilipinas. Maaaring igisa lamang tayo sa sarili nating mantika (sa pamamagitan ng pag-limita sa pag-utang natin sa halagang malapit lamang sa ating inilagak na puhunan). Maaari ring ang pagpapautang sa Pilipinas ay gawing paraan upang higit na ma-braso ang Pilipinas sa isyu ng West Philippine Sea.

            Ang desisyon ng rehimeng Noynoy na ianib ang Pilipinas sa AIIB ay dapat lamang dumaan sa proseso ng ratipikasyon ng Senado, kung saan dapat masuri nang husto ang isyung ito, kaugnay rin sa kontrol sa ating ekonomya ng WB-IMF at ADB na pawang pabor sa privatization at sa paghawak ng pribadong oligarkiya sa mga infrastructure projects ng pamahalaan.  Ang lahat ng pagtutol sa pag-anib ng Pilipinas sa AIIB, kaugnay sa agresibo at mapanakop na patakaran ng Tsina laban sa Pilipinas, ay dapat na madinig sa mga gagawing public hearings ng Senado hinggil sa isyung ito.