Gallery Banner

Ang Patuloy na Relevance, para sa Kalagayang Agraryo sa ating Bansa, ng Kautusan hinggil sa Lupa (o “Decree on Land”) na inakda ni Lenin

(Mensahe ng Pangkalahatang Kalihim ng PKP-1930 sa

Ika-21 Anibersaryo at Ika-6 na Kongreso ng AMMMA,

na ginanap sa PCA Covered Court, Diliman,

Lungsod Quezon, Ika-7 ng Enero, 2017)

Ka. Julian Llorera, Sr., Pambansang Pangulo ng AMMMA,

Mga kagawad ng Lupong Tagapagpaganap at Sangguniang Pambansa ng AMMMA,

Mga kasama at mga kaibigan :

            Mainit na pagbati ang ipinaaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930)  sa okasyon ngayon ng Ika-21 Anibersaryo at Ika-6 na Kongreso ng Aniban ng mga Magsasaka, Mangingisda at Manggagawa sa Agrikultura (AMMMA).

            Para po sa okasyong ito ay nais kong bigyang diin ang patuloy na relevance para sa kalagayang agraryo sa ating bansa ng “Kautusan Hinggil sa Lupa” (o “Decree on Land”) na inakda ng dakilang si Vladimir Ilyich Lenin, ang pinuno ng Rebolusyon ng Oktubre at pundador ng Unyong Sobyet.

            Una sa lahat, nais kong banggitin na ang taong ito ng 2017 ang siyang Sentenaryo (o ika-100 taong anibersaryo) ng Dakilang Rebolusyong Sosyalista ng Oktubre na naganap sa Rusya noong 1917. Ang rebolusyong iyon ay tinawag na “Rebolusyon ng Oktubre”, sapagkat iyon ay nagtagumpay noong Oktubre 25, 1917, batay sa lumang Julian calendar na sinusunod pa noon sa Rusya sa panahon ng mga Tsar. Ang araw na iyon ay katugma sa Nobyembre 7 batay sa Gregorian calendar na sinusunod na ngayon. Gayunpaman, ang katawagang “Rebolusyong Oktubre” ay patuloy pa ring sinusunod hanggang sa ngayon.

            Ang lahat ng mga komunista, at maging ang mga progresibo, sa buong mundo, ay nagpupugay sa Sentenaryong ito, sapagkat ang Dakilang Rebolusyong Sosyalista ng Oktubre ay nananatiling siyang pinakamahalagang pangyayari sa modernong kasaysayan ng mundo. Ang rebolusyong iyon ang nagbukas para sa sangkatauhan ng pinto tungo sa isang bagong epoka o yugto ng paglipat mula sa sistemang kapitalista tungo sa sistemang sosyalista.

            Ang Rebolusyong Oktubre ang nagbukas sa makasaysayang proseso ng paglaya ng mga api at huthot na mga mamamayang gumagawa –- pangunahin na ng mga manggagawa at mga magsasaka. Ang rebolusyong iyon ang nagpatuloy sa makasaysayang proseso ng paglipat mula sa sinauna o primitive na lipunan, tungo sa alipining lipunan, tungo sa piyudalismo, tungo sa kapitalismo, at tungo na nga sa sosyalismo.

            Matapos ng libo-libong mga taon na ang sistema ng mga lipunan ay nakabatay sa paghuhuthot ng tao sa kanyang kapwa, ang Rebolusyong Oktubre ang nagsimula sa bagong epoka sa kasaysayan ng sangkatauhan na nag-aalis sa panghuhuthot ng tao sa kanyang kapwa tao, at ng bansa sa kapwa bansa. Iyon ang unang rebolusyon na gumawa ng pinakamalawakang transpormasyong demokratiko sa pampulitika, pangkabuhayan, panlipunan at pangkulturang mga larangan, at nagdala ng kaunlaran at katarungan para sa kabuuan ng sangkatauhan.

            Isandaang taon matapos ng Rebolusyong Oktubre, ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay higit lamang na nakabalaho sa mga krisis. Higit na napatunayan na ang sistemang kapitalista ay nagdadala lamang ng panghuhuthot, pang-aapi at pananalakay sa lahat ng panig ng mundo –- at siyang responsable sa malaking banta ng digmaan na makapagdadala lamang sa pagkalagas ng sangkatauhan, at sa pagkagunaw ng daigdig. Patuloy na ipinagdiriwang ang Rebolusyong Oktubre sapagkat ang rebolusyong iyon ang siyang pinaka-advanced o pinaka-sulong na nagawa sa nakaraang mga dantaon ng proseso ng pagpapalaya ng sangkatauhan mula sa lahat ng porma ng panghuhuthot at pang-aapi.

Ang Dekreto o Kautusan hinggil sa Lupa

(“Decree on Land”) na inakda ni Lenin

            Isang araw lamang matapos ng pagtatagumpay ng Rebolusyong Oktubre, nagpalabas agad ang bagong-tagumpay na pamahalaang Sobyet ng 2 mahahalagang Dekreto o kautusan na parehong inakda ni Lenin –- ang Dekreto hinggil sa Kapayapaan, at ang Dekreto hinggil sa Lupa. Sa Dekreto hinggil sa Kapayapaan, ang bagong-tagumpay na pamahalaang Sobyet ay nanawagan sa lahat ng bansang kalahok noon sa Unang Digmaang Pandaigdig na agad umpisahan ang negosasyon para sa isang makatarungan at demokratikong kapayapaan. Ang ibig sabihin noon ay ang agad na pagtitigil ng labanan, ang pag-aalis ng lahat ng puwersang militar ng anumang bansa mula sa ibang mga bansa, at ang agarang pagtatakda ng kapayapaan na walang anumang reparations (o pagbabayad) at wala ring anumang annexation (o pag-agaw ng teritoryo).

            Doon naman sa “Decree on Land” na inakda ni Lenin at ipinalabas ng pamahalaang Sobyet noon ring Nobyembre 8, 1917, ay naroon ang pinaka-siyentipikong paraan ng pagbabago sa relasyong agraryo. Inalis nito ang konsepto ng pribadong pag-aari sa lupa, at ang lahat ng lupain ay inilipat sa pag-aari ng buong lipunan. Ang pamamahala sa mga asyenda ay inilipat sa grupo ng mga tuwirang nagsasaka roon, at ang mga asyendang ginagamitan ng matataas na lebel ng siyentipikong pamamaraan ay ginawang mga model farms na hawak ng estado o ng mga communes ng magsasaka.

Ipinagbawal sa Dekretong iyon ang pag-upa, maging ng magsasaka, sa lakas-paggawa ng ibang tao. Ang karapatan sa pagsasaka ay binuksan sa lahat ng mamamayan, lalake man o babae, habang sila ay may tuwirang kakayahan sa pagsasaka. Kapag sila ay tumanda na, sila ay binibigyan ng retirement pension ng pamahalaan, at ang kanilang lupang sinasaka ay inililipat naman sa iba na may kakayahang tuwirang magsaka roon. Bagama't ang pagsasaka sa lupa ay maaaring mailipat sa mga kaanak na may kakayahang tuwirang magsaka sa lupang iyon, ang gayong paglilipat ay hindi batay sa personal na konsepto ng pagpapamana.

            Sa mga unang panulat pa lamang ng mga pundador ng idyolohiyang komunista na sina Karl Marx  at Freidrich Engels, ay binigyang diin na nila na ang pag-aari sa lupa (tulad rin ng pag-aari sa mga kagamitan sa kapitalistang paglikha) ay dapat maibalik sa kabuuan ng lipunan. Marami rin silang panulat laban sa konsepto o sistema ng pamana (inheritance) --- maging iyon man ay pamanang titulo ng mga royal families, pamanang pag-aari ng mga kapitalistang negosyo, o pamanang pag-aari ng lupa. Sa katunayan lang, ang pinakamahalagang pamana ay ang isang malinis at marangal na pangalan --- ang alaala ng mahusay na paglilingkod sa kapwa at sa buong lipunan.

Sa ilalim ng Dekreto hinggil sa Lupa na inakda ni Lenin, ang pang-kooperatiba o pang-kolektibong mga paraan ng pagsasaka ay pinaunlad, upang mapahusay ang daan tungo sa mechanization at mga siyentipikong paraan ng produksiyon. At para sa mga lugar na labis ang bilang ng mga magsasaka kaysa sa pangangailangan ng pagsasaka roon, inumpisahan ang sistema ng resettlement papunta sa ibang mga lugar na maraming lupaing maaaring buksan para sa pagsasaka. Ang mga ito ang buod ng mga patakarang agraryo sa sistemang sosyalista. Gayunpaman, ang sistemang sosyalista ay may pagtutuon rin ukol sa tanspormasyon ng mga magsasaka tungo sa pagiging mga manggagawa.

Sa katunayan, ang Rebolusyong Oktubre ang nag-umpisa sa konsepto ng stewardship sa paggamit sa mga lupain --- sa rural at urban lands --- at maging sa kalikasan at mga likas na yaman. Ngunit para matiyak ang pangangalaga sa mga lupain at sa kalikasan, pangunahing pangangailangan na ang pamamahala sa lipunan, o ang kapangyarihang pampulitika, ay dapat munang mailipat sa kamay ng mga manggagawa’t magsasaka na siyang may tunay na interes sa pangangalaga sa mga lupain at sa kalikasan. Ang pag-agaw o paglilipat ng kapangyarihang pampulitika tungo sa kamay ng mga uring gumagawa ang batayang prinsipyo ng sosyalismo.

Tanging nasa paglipat sa sosyalismo ang katiyakan

para sa patuloy na pag-unlad ng sangkatauhan

            Ang sosyalismo ay nakatuon sa pagtiyak na mapupunan ang mga batayang pangangailangan ng buong sambayanan. Kaya naman tinitiyak sa ilalim ng sosyalismo ang katiwasayan o seguridad sa pagkain, bilang pagtiyak sa karapatan sa sapat na nutrisyon ng bawat mamamayan. Tinitiyak rin sa ilalim ng sosyalismo ang pagkakaroon ng trabaho para sa lahat, at ang pagtatakda ng nakabubuhay na pasahod (living wage) para sa mga nagtratrabaho --- maging sa industriya, sa  agrikultura, o sa mga serbisyo --- bilang pagtiyak sa karapatan sa dignidad ng bawat mamamayan.

Gayundin, tinitiyak sa ilalim ng sosyalismo ang disente at abot-kayang pabahay; ang abot-kayang mga utilities (tubig, kuryente, komunikasyon, petrolyo, atbp.) ; ang compulsory at libreng edukasyon para sa mga bata ; ang libreng edukasyon para sa mga may kakayahang mag-aral hanggang sa pinakamatataas na antas ; ang libreng serbisyong medikal, kasama na ang gamot at ospitalisasyon ; ang sapat na serbisyong panlipunan bilang kalinga para sa bawat pamilya (kasama na ang mga crèches, nursing homes at iba pang serbisyong pangkomunidad na magpapagaan sa mga gawaing-bahay) ; ang sapat na pensiyon para sa mga nagreretiro sa katandaan ; at ang pagkakaroon ng mga pagkakataon sa pangkulturang kaunlaran at malusog na pagliliwaliw o recreational activities para sa lahat.

            Sa sosyalismo ay ipinagbabawal ang pamamalimos, ang hindi pag-aaral ng mga bata, ang pagiging tamad at palaboy, at ang pagsasamantala sa kapwa. Ang pagtiyak rito ay naisasagawa sa pamamagitan ng paglilipat tungo sa pag-aari ng buong sambayanan ng mga kagamitan sa paglikha, negosyo at puhunan --- kasama na ang lupa --- na sa ngayon ay ginagamit lamang para sa higit na pagpapayaman at pagpapagarbong personal ng mga kapitalista.

            Ang sistemang sosyalista ay may pandaigdigang relevance para sa lahat ng bansa. Batay dito, ang PKP-1930 ay hindi nawawalan ng pananaw at pag-asa na dito man sa ating bansa ay makakamit rin natin ang sosyalismo, na siyang tanging sistemang magwawakas sa kamangmangan at panghuhuthot, at siyang huhubog sa sambayanan tungo sa tunay na makataong pagtuturingan.

            Ang PKP-1930 ay patuloy na kumikilos upang dito sa ating bansa ay makamit natin ang pambansang demokrasya na magpapalaya sa atin mula sa kontrol ng imperyalismo. Inaadhika rin ng PKP-1930 ang higit pa nating pagsulong sa mas mataas pang yugto ng sosyalismo, na siyang tanging sistemang magwawakas sa anumang pang-aapi at panghuhuthot. Inaasahan ng PKP-1930 na ang AMMMA ay magiging kaagapay nito lagi sa mga gawain, pagkilos at pakikibaka tungo sa pagtatayo ng pambansang demokrasya at sosyalismo sa ating bansa.

Ang pakikibaka laban sa korapsiyon

sa hanay ng kilusang agraryo

            Bilang panghuli, nais kong pansinin na sa nakaraang mga pakikibaka nito, ilan na sa mga lider ng AMMMA ang nagbuwis ng buhay sa pagtatanggol sa kapakanan ng mga magsasaka at manggagawang-bukid. Ang nangyari sa kanila ay tulad rin ng nangyari kina Kasamang Juan Feleo, Luis Adriano at iba pang mga lider ng Pambansang Kaisahang Magbubukid (PKM) na ipinadukot at ipinapatay ng mga asyendero noong panahon ng pagbabalik sa kapangyarihan ng mga dating collaborators ng Hapon sa pagtatapos ng dekada'40. Naaalala natin ang mga lider ng AMMMA na pinaslang, o kaya'y dinukot at nawala na lamang, sa gitna ng mga paglaban para sa pagtatamo ng katarungan sa ilang hacienda sa Pampanga, sa paligid ng PHILCOMSAT sa Rizal, at sa ilan pang  lugar.

            Nariyan sina Ka. Prado Bognot at Ka. Ato Danan na “sinalvage” sa gitna ng laban sa Hacienda Arrastia sa Pampanga. Nariyan si Ka. Dan Macapagal na dinukot at hinihinalang itinapon na lamang sa septic tank o poso negro ng munisipyo ng Lubao. Nariyan si Ka. Pascual San Diego na dinukot rin at hinihinalang itinapon na lamang sa septic tank ng army detachment na nagbabantay sa mga lupaing inaangkin nina Enrile sa PhilComSat area. Alang-alang sa alaala ng mga bayaning iyon ng AMMMA, na nagbigay ng dalisay na paglilingkod sa uring magbubukid, ang mga pagkilos ng AMMMA ay dapat na mapanatiling malinis at walang bahid ng kabulukan. 

            Hindi dapat mangyari sa mga kasong hawak ng AMMMA ang nangyari sa ilang laban ng mga magsasaka na sinakyan ng grupong maoista na sa bandang huli ay nagbenta lamang sa mga labang iyon. Ilan doon, na naganap sa Timog Luzon, ay ang naulat na pagbebenta sa laban ng mga magsasaka at naninirahan sa Hacienda Looc sa Nasugbu, sa Barangay Sta. Clara at ilan pang lugar na nakapaligid ng pier ng Batangas, at gayundin sa Caliraya sa Laguna.

            Ang mga lupain doon sa bandang huli ay napunta sa Manila South Coast Development Corporation ng bilyonaryong si Henry Sy, sa Fil-Estate/Global-Estate ng bilyonaryong si Andrew Tan, at sa iba pang mga dambuhalang resort at condominium developers, matapos na diumano'y magkabentahan ng laban doon sa Netherlands. Ilan lamang iyon sa mga pangyayari na natungo sa pag-alis ng ilang grupo mula sa kilusang maoista, lalo pa at ang ilang tumutol sa ganoong pagkakanulo sa kapakanan ng mga magsasaka ay madugong sinugpo at siniraan pa ng kilusang maoista.

            Mayroon din namang ilang humiwalay sa kilusang maoista na nagpatuloy rin sa ganoong racket, tulad ng ginawa ng grupo ni Felimon “Popoy” Lagman sa mga informal settlers sa 158-ektaryang Public Estates Authority (PEA) reclamation area sa Manila Bay, na kung tawagin ay “Freedom Island” noong kalagitnaan ng dekada '90. Binigyan ng maling ilusyon ang naninirahang mga 3,000 pamilya doon, pinainit ang tensiyon, at kunwa'y makikipagpatayan pa, para lamang pala mapataas ang pailalim na “presyo” ng pagbebenta sa lugar na iyon tungo sa kamay ng mga kumpanyang Amari Coastal Bay Resources at Filinvest Development Corporation na siyang mga kasapakat doon ng corrupt na si Pangulong Fidel V. Ramos.

            Ang ganoong mga kabulukan ay hindi dapat mangyari sa mga ipinaglalaban ng AMMMA, na dapat ay manatiling marangal at walang bahid ng korapsiyon. Ang susi sa pagpigil sa korapsiyon sa isang organisasyon ay ang regular na pagpupulong ng kinauukulang mga pinuno –- kung saan ang mga hakbang na tatahakin sa bawat suliranin ay lantarang pinag-uusapan at pinagpapasyahan, at kung saan may mariing pagtuligsa sa anumang pagtatangka na ilihim mula sa organisasyon ang mga planong gawain o proyekto na binubuo lamang ng iilan.

            Muli pa, mainit na pagbati ang ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) sa Ika-21 Anibersaryo at Ika-6 na Kongreso ng AMMMA, at inaasahan namin ang higit pang paglawak at paglakas ng pederasyon ninyong ito.

            Mabuhay ang AMMMA !   

            Mabuhay ang mga uring manggagawa't magbubukid !

            Mabuhay ang pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya at Sosyalismo !

                                                                                                            KA.  TONY  PARIS

                                                                                                            Pangkalahatang Kalihim

                                                                                                            PKP-1930